Gusto mo bang rumampa pero walang mamahaling bag? O kaya naman ay gustong gumala pero walang magandang motorsiklo? Worry no more dahil may mga branded bag at big bikes na puwede na ring rentahan.
Sa kuwentong "Dapat Alam Mo!" ni Marisol Abdurahman, sinabing ang pagrenta ng mga mamahalin at branded bag para sa mga minsan lang gumagamit nito ang naisip na negosyo ni Luz Wiley.
Ayon kay Wiley, naisipan niya ang kakaibang negosyo nang bumiyahe sila noon kaniyang asawa at mawala sa Pilipinas ng mahigit isang taon. Pagkabalik niya sa bansa, nasira na ang ilan niyang bag dahil sa moisture dahil hindi nagamit.
Kaya para maiwasang masira ang kaniyang mga bag kahit nakatabi lang, ipinarenta niya muna ito sa kaniyang mga kakilala.
Kalaunan, ginawa na niyang negosyo ang pagpaparenta ng kaniyang mga bag.
Ang orihinal na presyo ng mga bag na pinaparenta ni Wiley, umaabot ng P25,000 hanggang P50,000.
Maaaring rentahan ang bag ng isang linggo hanggang isang buwan nang mula P899 hanggang P1,999, o P71 kada araw.
Puwede rin ang rent to own kapag may natipuhang bag.
Para sa mga magrerenta ng bag, kailangan munang mag-fill-up sa isang form para sa verification process, saka pipili online ng mga bag na available. Matapos nito, ipoproseso na ang bayad at shipping sa bag.
Samantala, ang Renta Moto owner naman na si Dwin Santiago, nagpaparenta ng mga maaangas at malalaking motor sa Caloocan City.
Naisipan ni Santiago na magparenta ng kaniyang koleksyon para makatulong sa mga gustong makasubok ng big bikes.
Ang bawat motorsiklo na may halagang hindi lalagpas sa P500,000, ay maaaring rentahan sa presyong P2,500 hanggang P3,500 kada araw.
Para sa mga magrerenta, hinihingi ang driver’s license, valid ID’s at NBI o police clearance.
Tinatrack nina Santiago ang GPS ng bawat motorsiklo para siguradong nasa ruta at destinasyon ang nagrenta.
Nagpaalala si Santiago na bawal pa rin ang mga nakainom o gumagamit ng ilegal na droga, at ang mga kaskasero. --FRJ, GMA Integrated News