Kahit 82-anyos na, isa-isang ginawa ni Lola Iluminada Fabroa ang mga nakalista sa kaniyang bucket list na hindi niya nagawa noon dahil sa pagtutok sa trabaho. At matapos na magawa na ang mga extreme adventure gaya ng skydiving, ano pa kaya ang nais niyang gawin?
Bukod sa pagiging abogado, napag-alaman sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" na isang CPA, o certified public accountant si Lola Iluminda.
Bata pa lang, sadya raw mahilig na sa adventure at nature si Lola Iluminda. At nang makapag-asawa, naging adventure buddy niya ang kaniyang mister.
Pero noong 2007, pumanaw dahil sa aneurysm ang kaniyang asawa. Dito ay lalo raw napagtanto ni Lola Iluminada na life is short.
Hanggang sa maisip din ni Lola Iluminada na marami pa siyang hindi nagagawa na nasa kaniyang bucket list dahil sa pagiging abala noon sa trabaho. Kabilang dito ang canyoneering, pag-akyat sa Mt. Pulag, at Mt. Apo, at skydiving.
Kaya sa tulong ng kaniyang apo na si Jeremiah, isa-isa niya itong ginawa. Nag-canyoneering sila sa Iligan City, inakyat ang Mt. Pulag at Mt. Apo, nag-python roller zipride sa Bukidnon, at sumabak pa sa drop zone o swing na 100ft ang taas.
At nang magbakasyon ang kanilang pamilya sa Siquijor, hindi na pinalampas ni Lola Iluminada ang skydiving.
Ang ipinambayad niya sa skydiving na P36,000, kinuha niya mula sa P50,000 na insentibo na ibinigay sa kaniya ng isang asosasyon dahil sa nagawa niyang akyatin ang Mt Apo sa kabila ng kaniyang edad.
Pero bago mag-skydive, sumailalim muna si Lola Iluminada sa mga medical check-up. At nang pumasa, wala na siyang atrasan kahit pa binalaan siya sa peligro na maaari niyang sapitin.
Hindi naman daw takot si Lola Iluminada na mamatay. Para sa kaniya, "quota" na siya sa kaniyang edad.
Ngayong nagawa na niya ang lahat sa kaniyang bucket list, ano pa kaya ang next adventure na plano niyang gawin?
"Gusto kong lumangoy sa Pacific Ocean. Gusto kong lumangoy from Manila hanggang kahit Guam man lang o Hawaii," sabi niya.
Payo rin ni Lola Iluminada sa lahat, "Enjoy life while you still can. Hindi nila hintayin mag-80-anyos sila pero it's never too late. It's simply mind over matter." -- FRJ, GMA Integrated News