Nasubok ang tibay at determinasyon ni Kara David nang akyatin niya at idokumento para sa "I-Witness" ang pamosong Mt. Guiting-Guiting ng Romblon na bawat taon ay unti-unti umanong tumataas. Pero sa hirap at delikadong mga daan patungo sa tuktok ng bundok, susuko kaya ang batikang broadcast journalist? Alamin.

Challenging sa maraming mountaineers ang Mt. Guiting-Guiting dahil sa hindi ito madaling akyatin. Doble-ingat nga ang mga mountaineer sa tinatawag na “Knife’s Edge” dahil sa mahaba at makipot nitong daanan.

Sa isang maling tapak, puwede kang dumausdos sa bangin sa magkabilang gilid nito. Kaya kailangan na tiyak ang bawat tapak dahil buhay ang maaaring maging kapalit.

Sa isang parte rin sa pag-akyat sa Mt. Guiting-Guiting, may tinatawag na “Kiss the Wall.” Dito, literal na kinakailangang dumikit at yakapin ang mga bato na tila pader para mapanatili ang balanse at hindi mahulog.

Ayon kay Kara, matatalas ang mga bato sa bundok, na mapagkakamalang bulkan. Pero paliwanag ng taga- DENR o Department of Environment and Natural Resources, hindi bulkan ang Mt. Guiting-Guiting.

Sa halip, umusbong daw ang bundok mula sa ilalim ng dagat pagkatapos magkaroon ng isang volcanic eruption. At bawat taon, tumataas ang bundok ng one centimeter.

Nasusubok ang tiyaga at determinasyon ng isang mountaineer sa pag-akyat sa Mt. Guiting-Guiting, dahil mararating mo ang isang bahagi nito na akala mong tuktok na pero hindi pa pala.

At bago marating ang tunay na summit ng bundok, kailangan munang kayanin ni Kara ang kinatatakutang 90-degree wall.

Sapat kaya ang tatlong dekadang paghahanda na ginawa ni Kara para matupad ang kaniyang pangarap na marating sa tuktok ng Mt. Guiting-Guiting? At ano ang makikita sa pinakamataas na bahagi ng bundok? Panoorin ang video.
 

--FRJ, GMA Integrated News