Kahit 5'5" ft. lang ang taas, tinitingala pa rin sa mga paliga ng basketball sa Quezon City ang isang 17-anyos na binata na binansagang "Mamaw ng Payatas." At ang ginagaya niyang galawan sa hardcourt, ang idolo niya na 'di rin lubos na biniyayaan sa tangkad-- ang PBA legend na si Johnny “The Flying A” Abarrientos.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing small but terrible kung ituring sa basketball si Julieper "Dodong" Carvantes, na walong beses nang nahirang na MVP sa mga paliga sa Quezon City.
Kahit hindi matangkad, kayang makipagsabayan ni Dodong sa mga mas malalaking manlalaro, gaya ng ginagawa ng kaniyang idolo na si Abarrientos noong aktibo pa ang huli sa paglalaro sa PBA.
Ayon kay Dodong, ang kaniyang ama na si Julieto, na mahilig din sa basketball, ang naging unang coach niya. ito ang nagturo sa kaniya ng mga galawan ni Abarrientos upang makipagsabayan sa mas malalaking manlalaro.
Sinabi naman ni Mang Julieto na ipinagbubuntis pa lang noon ng kaniyang asawa si Dodong, pinagawan na niya ito ng ring kahit hindi pa niya alam kung babae o lalaki ang magiging anak nila.
Ngunit dahil sa kakapusan sa pinansiyal, hindi lubos na masuportahan ni Dodong ang kaniyang paglalaro. Ang sapatos na ginagamit niya tuwing may mahalagang laban, hinihiram lang niya sa mga kakilala.
Dahil walang permanenteng trabaho ang kaniyang ama, nagsa-sideline din si Dodong sa pagiging construction worker para makatulong sa pamilya kapag wala siyang pasok sa eskuwelahan.
Dagdag na pagsubok din sa kanilang pamilya nang magkaroon ng ovarian cancer ang kaniyang ina, at kinalaunan ay pumanaw na.
Pangamba ni Dodong, baka hindi siya makapag-aral sa kolehiyo dahil sa kanilang kahirapan. Gayunman, umaasa siyang magagamit niya ang talento niya sa basketball upang maiahon sa kahirapan ang kaniyang pamilya.
At sa kabila ng kalungkutan bunga ng pagpanaw ng kaniyang ina, nagkaroon ng sorpresang bisita si Dodong habang nag-eensayo ng basketball sa kalye--ang idolo niyang si Abarrientos.
Ayon mismo sa basketball legend, napanood niya ang video ni Dodong habang naglalaro at humanga siya rito. Napansin niya na may galaw si Dodong na katulad nang sa kaniya.
"Parang feeling ko nga, 'Uy! parang may galawang Johnny A dun ah.' A little bit sa nakita ko. So na proud ako. Naalala ko yung kabataan days ko when I used to play half court basketball," ani Abarrientos.
May ibubuga naman kaya si Dodong o titiklop lang siya kapag naka-one-on-one niya ang kaniyang idolo? Tunghayan ang kanilang paghaharap at alamin ang payo at pangako ni 'Johnny A' kay Dodong. Panoorin ang video ng "KMJS." --FRJ, GMA Integrated News