Sa tulong ng isang prototype na surgical robot na kaya umanong mag-3D print ng buhay na cells sa loob ng katawan, posibleng hindi na kailangang sumailalim sa open surgery ang isang pasyente na maaaring magdulot ng impeksyon at komplikasyon.
Sa video ng "Next Now," sinabing may robotic arms na nakokontrol para sumuot sa loob ng katawan ng tao na mahirap maabot ang nabuong prototype ng University of New South Wales sa Australia.
Kinakailangan lamang ng maliit na hiwa para maipasok ang 'robot' sa katawan ng pasyente.
“This system offers the potential for the precise reconstruction of three-dimensional wounds inside the body, such as gastric wall injuries or damage and disease inside the colon,” sabi ni Dr. Thanh Nho Do ng UNSW Medical Robotics Lab.
Nakatakda na raw subukan sa buhay na hayop kung epektibo ang prototype .
Bukod dito, plano rin ng mga developer na maglagay ng camera at real-time scanning system sa device.
All-in-one na rin ang nabuong endoscopic surgical dahil bukod sa 3D bioprinting, may electric scalpel din ito at water jet para sa lesions.
Ang bioprinting ay isang proseso na gumagamit ng tinatawag na “bioink” para makabuo ng mala-tissue o cellular structures.
Kasalukuyang nagagawa ang bioprinting sa tulong ng malalaking 3D printing machines.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News