Patok sa Biñan, Laguna ang isang grill and restaurant dahil ang kanilang challenge: kailangan palahin ng mga customer ang order nilang mixed seafoods. Kaya ang negosyo, pinagpala rin sa kita at nabawi raw sa loob ng dalawang buwan ang puhunan nilang P120,000.
Sa programang "Pera Paraan," sinabing kahilera ng mga kainan sa isang kalsada sa Biñan ang Papa Angelo’s Grill and Restaurant ng mag-asawang sina Angelo at Farah Cabrera.
Bukod sa tinda nilang chicken inasal at grilled liempo, available din ang pagpapala ng mixed seafoods tuwing Sabado at Linggo.
Kasama sa mga maaaring mapalang seafood sa #PalaChallenge ang mga alimasag, tahong, hipon at pusit na nakalagay sa isang malaking tulyasi o kawali.
“Papalahin mo, once inangat mo, isang pala lang ‘yon, ‘yun lang ang puwede mong makuha, ‘yun lang ang puwede mong makain. ‘Pag nalaglag ‘yung crabs, sorry na lang,” sabi ni Angelo.
Sa halagang P550, puwede nang sumabak sa isang round ng Pala Challenge.
Nanggaling sa makulit na imahinasyon ni Angelo ang #PalaChallenge.
“Nakita ko ‘yung mga worker ko na nagpapala sila. Mahilig din ako sa seafoods. That time, gutom na gutom talaga ako, sabi ko, ‘Masarap ang seafoods ah’ tapos nakita ko ‘yung pala. ‘Gawin ko kayang concept ito?’” kuwento ni Angelo.
“When he told me about his concept, for me it was normal kasi he is always like that talaga, always coming up with new stuff, creative,” sabi ni Farah.
Nagbukas ang kanilang negosyo noong Nobyembre 2022, ngunit hindi naging mabilis ang pagtatayo.
Sa likod nito, nagpasya si Angelo na magtayo ng brokerage kasama ang mga kaibigan. Pero kailangan nilang i-pullout ang kanilang opisina nang magkaroon ng pandemya.
Kinailangan namang panamantalang tumigil si Farah, na isang dentista, sa trabaho bago dumating ang pandemya dahil buntis siya sa kanilang kambal.
Ayon kay Farah, naubos ang kanilang savings dahil sa kaniyang pagbubuntis at panganganak.
Pero nakabawi sila sa kanilang negosyo dahil sa kanilang kuwelang pakulo.
Ayon kay Angelo, kumikita na sila ng P70,000 hanggang P80,000 bilang neto kada buwan.--FRJ, GMA Integrated News