Trending sa TikTok ang video ng isang kontesera na naglalagay ng nail polish sa kaniyang ngipin para magkaroon ng perfect smile sa sinalihan niyang beauty pageant. Pero ligtas ba itong gawin? Alamin.

Sa programang "Pinoy MD," sinabi ng 21-anyos na si Nerf Onipa na mahalaga sa beauty pageant ang pagkakaroon ng maganda at maputing ngipin upang lumabas ang magandang ngiti.

Isa sa mga proseso para magkaroon ng maputing ngipin at magandang ngiti ang proseso na veneer. Pero dahil walang budget para sa naturang proseso si Nerf, nag-DIY na lang ang kaniyang glam team sa pamamagitan ng paggamit ng nail polish na ipinahid sa kaniyang ngipin.

Ayon kay Nerf, makikita naman daw ang resulta na parang naka-venner siya dahil kumikislap ang kaniyang ngipin lalo na kapag tinatamaan ng ilaw.

Natutunan daw ni Neft ang paggamit ng nail polish sa ngipin mula sa ibang katulad niyang kontesera rin.

Pero babala ng dentistang si Dra. Maureen Ines-Manzano, delikado at posibleng makasira ng ngipin sa paggamit ng mga kemikal na hindi naman talaga angkop para sa ngipin.

"Tandaan na ang nail polish ay mayroon itong toxic chemical substance. Ayon sa study, mayroon itong toluene, formaldehyde. Kapag ito'y inilagay natin sa ngipin, maaaring magkaroon ng deformity o permanent staining sa ating ngipin," anang duktor.

Maapektuhan umano ng kemikal ang enamel sa ngipin, at hindi na maibabalik sa dati kapag nasira ito.

Paalala pa ng duktor, lubhang mapanganib din sa kalusugan kung humalo sa laway at malunok ang kemikal.--FRJ, GMA Integrated News