Dinarayo ng maraming Katoliko ang Quiapo tuwing Enero 9 para ipakita ang kanilang panata sa Itim na Poong Nazareno. Ano nga ba ang kasaysayan sa likod ng panata sa naturang imahen, at may mga misteryo nga bang bumabalot dito?

"'Yung ideya ng deboto ay dala-dala niya ang presensya ng Diyos. Doon sa pananaw na iyon unawain ang buong debosyon. Para sa atin kasi 'yung values, mga pagpapahalaga, ay naisasabuhay sa mga bagay na talagang nakikita, nadarama, naipapasang mga nakagawian. More than just request, it's thanksgiving," paliwanag ni Fr. Earl Valdez, attached priest ng Quiapo Church sa ulat ni Abby Espiritu sa "Stand for Truth."

Taliwas sa paniniwala ng ilang mga deboto ng Nazareno, itim ang kulay nito hindi dahil sa epekto ng sunog, kundi dahil umano sa itim ang kahoy na ginamit dito na tinatawag na Mesquite, na gaya rin ng kamagong sa Pilipinas.

"Kung ano mang materyal 'yan, it's meant to darken as time passes. Will it darken even further? Probably," sabi ni Fr. Valdez.

Taong 1606 nang dumating ang imahen ng itim na Poong Nazareno sa Pilipinas.

Paglilinaw naman ng historian na si Prof. Xiao Chua, hindi kasa-kasama ng Recollect Friars ang itim na Nazareno nang dumating sila sa Pilipinas, kundi dinala na lamang ito sa pamamagitan ng Manila-Acapulco Galleon Trade.

Nasa ilalim ang Pilipinas noon sa pamamahala ng Vice Royalty ng Mexico, kaya paniniwala ng ilan na ang Nazareno ay inukit ng isang Mexicano, na itinulad sa kaniyang kulay na kayumanggi.

"In many ways that color of the Nazareno became a magnet to Filipinos, kasi kakulay natin siya, kamukha natin. Tapos nagbubuhat ng krus, naghihirap, nagsa-suffer katulad natin. Kaya sa maraming Pilipino nagkaroon siya ng koneksyon na si Hesus, nakipag-kapwa tao ang Diyos sa atin," sabi ni Chua.

Bukod dito, pinaniniwalaang dalawa rin ang imahen ng Nazareno noong 1700s kaya inilipat sa Quiapo Church ang isa sa mga ito. Ayon kay Chua, paniwala ng ilan na replica na lamang ang nasa Quiapo Church, ng orihinal na nasa Intramuros, na wala nang nakaaalam kung ano ang nangyari.

"Yes there is some sort of ignorance, and we cannot deny that. But at the same time I think the knowledge of faith is more than just that. Ang mas alam ng deboto, sa araw na ito, ako ay tutungo sa Nazareno bilang pasasalamat, bilang pagdedebosyon, bilang paghingi ng panalangin, bilang pagkakataon para makalapit ako doon sa imahen," sabi ni Fr. Valdez.

Samantala, taong 2007 lamang tinawag na "Traslacion" ang prusisyon sa Nazareno.

Tila magulo man at siksikan, may sinusunod namang sistema na sumasabay sa indayog ang Traslacion.

Sa kabila ng mga kritisismo ng idolatriya o pagsamba sa imahen ang debosyon sa Nazareno, para sa mga deboto, nadadaig ito ng mga dasal na dinidinggin ng Nazareno.

Tunghayan ang kuwento ng umano'y mga himala ng Nazareno sa mga deboto. Panoorin ang buong ulat sa video. --Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News