Buntis sa kaniyang first baby ang StarStruck alumnus at transman na si Jesi Corcuera.

Ibinabahagi ni Jesi ang kaniyang journey sa pagiging magulang sa kaniyang Instagram post nitong Sabado.

Ayon kay Jesi, ang partner niyang Cams at mga anak ang nagbigay sa kaniya ng inspirasyon para magkaroon din sarili niyang anak.

"Sa pagtayo ko bilang tatay ng mga anak ni Cams, maraming naging realizations. Isa na dun 'yung baka may chance pa pala akong magkaroon ng sarili kong anak," saad niya sa post.

Una raw binalak ni Jesi na magkaroon ng anak noong 2018 via in vitro fertilization (IVF). Pero hindi ito natuloy dahil sa mga naging problema, kasama na ang usapin sa pinansiyal.

"Fast forward ngayong taon, 'di ko in-expect na mabubuo siya through my last option na ako ang magdadala pero sobrang thankful ako na pinagkaloob ito ng Diyos sa akin," ani Jesi.

"Hindi naging madali ang prosesong ito para sa akin kaya sana hindi n'yo rin ganun kadaling husgahan kung anong nakikita n'yo ngayon," pakiusap niya.

Pagtiyak niya, hindi magbabago ang kaniyang responsibilidad sa mga anak ni Cams bilang ama ng mga bata kahit pa dumating ang bagong miyembro ng kanilang pamilya na tinawag niyang "Ninja."

"Sa lahat ng desisyon ko sa buhay, malaki ang naging parte ng mga bata at ni Cams sa kung ano ako ngayon," ayon kay Jesi. "Samahan n'yo kami sa bagong journey ng buhay kong ito. At sana kapulutan ng aral at inspirasyon ng marami."

 

 

Naging bahagi si Jesi ng "StarStruck: The Next Level" ng GMA Network noong 2006. Kabilang sa batchmates niya sina Kris Bernal, Aljur Abrenica, at Chariz Solomon.—FRJ, GMA Integrated News