Madalas na inirereklamo ng karamihan ang pagkakaroon ng bloated na tiyan. Ano-ano nga ba ang dahilan sa pagiging bloated at kailan dapat magpatingin na sa duktor?
Sa programang “Pinoy MD”, sinabi ng wellness expert at internist na si Dr. Oyie Balburias, na hindi normal kung chronic o pabalik-balik ang pakiramdam na bloated.
“Kung ang bloatedness mo ay nangyayari o pagkakaroon ng sobrang hangin or gassiness sa ating tiyan, nagdudulot na ng sakit every time na ikaw ay kakain. Ano man ang sintomas na paulit-ulit tulad ng bloatedness, dapat nating imbestigahan,” saad ni Balburias.
Sinabi rin ng doktor na maraming sanhi ang pagiging bloated.
“Mayroong mga seryosong dahilan at mayroon naman na kailangan natin minsan ayusin ang ating pagnguya ng ating pagkain,” aniya pa.
“Kasi ang maldigestion o kapag pumasok ang pagkain na hindi ito properly digested sa ating bituka, ito ay maaaring magkaroon ng maldigestion na nagdudulot din ng sintomas tulad ng bloatedness,” dagdag pa niya.
Samantala, ipinaliwanag din ni Balburias na delikado ang hypokalemia o ang pagbaba ng potassium dahil mahalaga ito sa mga muscles ng katawan.
“Of course, ang ating puso ay isang muscle. Ang mababang potassium o sobrang taas na potassium, ay maaaring magdulot ng seryosong komplikasyon tulad ng arrhythmia o irregular na pagtibok ng puso,” diin ng doktor.
“Ang sobrang pagbaba ng potassium ay dahilan ng panghihina ng muscles na minsang sanhi ng paralysis. Kaya kung mababa ang iyong potassium, ito ay dapat maibestigahan at dapat din mapalitan,” dagdag pa niya.
Tunghayan sa video ang iba pang paliwanag ni Dr. Oyie sa iba pang karamdaman tulad ng koneksyon ng pananakit ng batok sa altapresyon, at kung dapat na bang operahan ang mga taong mayroong heart enlargement. Panoorin.--FRJ, GMA Integrated News