Mula sa pagiging lasinggero at lulong sa iba pang bisyo noon, binago ng isang lalaki sa Cabusao, Camarines Sur ang kaniyang buhay hanggang sa maging kampeon sa isang bodybuilding competition. Kilalanin ang nakaka-inspire na kuwento ng 44-anyos na si Tutoy Godeloson.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabing sa loob ng isang taon mula nang magbabad sa gym, nadagdagan ang timbang ni Tutoy na mula 43 kilograms sa 55 kilograms, at nagkaroon pa ng six-pack abs.
Ngunit bago ito nangyari, inamin ni Tutoy na menor de edad pa lang siya ay laman na siya ng mga inuman. Kaya naman madalas siyang umuwi na lasing.
“Pasaway na po siya nu’ng bata pa po siya saka kapag lasing ‘yan, pagdating ng bahay, hinahatid ng barkada,” ani Rosita Godelson, ina ni Tutoy.
Pag-amin ni Tutoy, naranasan niyang hinihinala ng mga kaibigan dahil sa sobrang kalasingan.
“Kahit hindi mo na kaya, kakayanin mo kasi kakatyawan ka ng kaibigan mo eh. Naranasan ko na nu’ng time na hinang-hina na ako, gumapang ako ng mag-isa para lang makainom ng tubig. Sabi ko hindi na ako iinom, eh nu’ng nawala bumalik ulit ang lakas, game na naman,” dagdag ni Tutoy.
Binanggit din ni Tutoy na may mga pagkakataon na napapaaway siya dahil sa kalasingan at 12 oras na nadetine.
Parang chaser at pulutan din umano sa kaniya ang sigarilyo tuwing umiinom siya ng alak.
“Chain smoker ako, ‘yun na ‘yung parang pampulutan ko, ‘yung sigarilyo,” sambit pa ni Tutoy.
Bahagi rin ng kaniyang bisyo ang pagiging babaero.
“Mga tatlo o apat [na babae]. Iba-iba sila pero isang pangalan lang ‘yun para hindi ka magkakamali kapag china-chat mo… para kapag na-wrong send ka, hindi halata,” dagdag pa niya.
Hanggang sa nakahanap si Tutoy ang kaniyang the one at kaulana’y naging misis na si Lilia.
Ayon kay Lilia, hindi niya alam kung gaano kalubha ang pag-inom ng alak ni Tutoy hanggang sa naging mag-asawa na sila.
“Hindi ako nagdalawang isip na sagutin siya… alam ko po umiinom pero hindi ko alam na ganoon pala siyang grabe uminom,” ani Lilia.
Nabiyayaan ang mag-asawa ng dalawang anak pero ayon sa ginang, tuloy pa rin si Tutoy sa kaniyang mga bisyo.
Nagsimulang magbago si Tutoy nang lumuwas siya sa Maynila noong 2015 at nagtrabaho bilang utility staff sa isang gym. Dito ay pinayagan din siyang "magbuhat."
Mula noon, dahan-dahan nang sinimulan ni Tutoy na baguhin ang kaniyang lifestyle. Naglaan na rin siya ng oras para sa workout.
“Sa umpisa, ang hirap po. Parang naglalaway ka sa bisyo eh,” saad niya. “Nakikita mo naman progress ng katawan mo na gumaganda. Inaalok nga ako ng inom. Sabi ko, 'hindi muna. Papalaki muna ako.”
Matapos ang isang taong pagsasanay, ang dating payat na si Tutoy, naging bato-bato na ang katawan.
At pagmamalaki niya, hindi na siya nagbibisyo hindi lang para sa sarili kundi para din sa kaniyang pamilya.
Dahil sa magandang hubog ng katawan ni Tutoy, sumabak siya sa bodybuilding competition sa Lipa City, Batangas sa unang pagkakataon.
Sa dalawampung kalahok sa kompetisyon, siya raw ang pinakamatanda. Pero sa kabila ng kaniyang edad, hindi naman siya pinulutan ng kaniyang mga kalaban dahil siya ang itinanghal na kampeon.
Bukod sa kaniyang pamilya na inspirasyon niya sa kaniyang ginagawa, inihayag ni Tutoy na mayroon pang dalawang tao sa kaniyang buhay na pinag-aalayan niya ng kaniyang tagumpay.
Alamin kung sino ang mga ito na binigyan daw noon ni Tutoy ng sakit ng ulo dahil sa kaniyang pagiging pasaway. Tunghayan sa video ng KMJS ang inspiring story . --FRJ, GMA Integrated News