Sa pambihirang pagkakataon, ang "other woman" ang nais magsampa ng reklamo laban sa "legal wife" dahil sa umano'y pananakot at panghihingi nito ng pera.
Sa programang "Sumbungan ng Bayan," humingi ng payong legal ang "other woman" na itinatago sa pangalang "Stella," dahil hindi na makayanan ang ginagawang pananakot at panggugulo sa kaniya ng "legal wife."
Paliwanag ni Stella, hindi niya alam na mayroon na palang pamilya ang lalaki nang makipagrelasyon siya rito.
Nang malaman umano ng legal wife ang pagkakaroon nila ng relasyon ng mister, sinabi ni Stella, na sinimulan na siyang padalhan nito ng mga mensahe.
Upang matapos na raw ang usapan, una siyang hiningan umano ng legal wife ng P20,000. Pumayag naman si Stella.
Pero nang malaman umano ng legal wife na may naibigay na pera ang mister sa kaniya, muli siyang hiningan ng pera.
Kuwento pa ni Stella, para matapos na ang usapin, ipinadala niya ang pera na kaniyang tinanggap mula sa lalaki.
Sa kabuuan, umabot umano sa P120,000 ang perang ibinigay niya sa legal wife. Gayunman, patuloy pa rin daw ang panggugulo at pananakot nito na idedemanda siya at ipatatanggal sa trabaho.
Kaya naman dumulog sa programang si Stella upang alamin kung puwede ba niyang kasuhan ang legal wife dahil sa panggugulo at pananakot sa kaniya, paghingi ng pera.
Ayon kay Atty. Fancis Abril, maraming batas na nilabag ang legal wife dahil sa ginawang panggigipit kay Stella.
Isa na rito ang ginawang panghihingi ng pera na may nakasaad na pananakot na pasok umano sa kasong "robbery extortion."
Magagamit umanong katibayan ni Stella laban sa legal wife ang mga padalang mensahe sa kaniya at transaksyon sa bangko kung saan niya ipinadala ang pera.
Alamin ang iba pang kaso na maaaring isampa ni Stella laban sa legal wife, at may kontra demanda kayang puwedeng isampa sa kaniya ang legal wife dahil sa pagkakaroon nila ng relasyon ni mister? Panoorin ang kabuuan ng pagtalakay sa usapin.--FRJ, GMA Integrated News