Isa sa mga ugali ng mga bata na ngatngatin ang kanilang mga kuko o isubo ang kanilang mga daliri kapag nababagot o stressed. Ngunit ang ilang tao, nadala ang naturang gawain hanggang sa kanilang pagtanda. Senyales nga ba ito ng isang kondisyon?
Sa "Dapat Alam Mo!," ikinuwento ni Mariae Frances Ianne Raut, na nakagawian na niya ang pag-thumb suck o pagsubo ng hinlalaki noong bata pa lamang siya habang natutulog o nanonood ng TV.
Naalis naman ito ni Raut sa kaniyang sistema pagdating ng high school. Pero nang masawi siya sa pag-ibig, ito raw ang kaniyang naging pampakalma.
"I found comfort while doing it, naka-ease siya sa aking anxieties," sabi ni Raut.
Hard habit to break naman sa 22-anyos na si Val Fule, ang pagngatngat sa kaniyang mga kuko na ginagawa niya sa tuwing nag-iisip, nagse-cellphone, stressed o kinakabahan.
Nabawasan daw ito sa pagsusuot niya ng face mask.
Paliwanag ni Dr. Camille Garcia, psychologist, ang pagsipsip ng daliri ay posibleng dahil sa kakulangan sa oral stage development ng isang tao.
"Ang tendency, nagkakaroon ng pagkakataon na maging stress build-up 'yon. May tendency na ang isang bata magta-thumb suck kasi kulang 'yung pagkain. After four years old, ganu'n pa rin na patuloy ang thumb sucking, there's a possibility na itong taong ito nagkakaroon ng discomfort kaya pupuwedeng nagkakaroon siya ng mataas na stress level, nagkakaroon ng insecurity, nagkakaroon ng anxiety," paliwanag ni Dr. Garcia.
Ang nail biting o pagngatngat naman ng kuko ay tinatawag na Onychophagia, na nagagawa ng isang tao dahil sa sobrang pagkabagot o inip.
"'Pag lumala, there's a link, 'yung tinatawag na unspecified obsessive-compulsive disorder. Kasi hindi mo na mapigilan 'yung pag-nail bite, hanggang sa umaabot sa punto na hindi lang siya mag-uupod kundi nagsusugat-sugat," dagdag ni Dr. Garcia.
Ang naturang gawain, maaari pa raw maitama sa pamamagitan ng tinatawag na cognitive behavioral therapy.
Hindi rin daw dapat basta husgahan ang mga taong gumagawa nito dahil kailangang unawain din ang kanilang nararamdaman. --FRJ, GMA Integrated News