"Maghanda tayo sa hindi sa paraan ng pag-iipon ng kayamanan na materyal na bagay kung hindi sa pag-iipon ng napakaraming kabutihan (Lucas 12:39-48)."
NADINIG ko minsan sa misa ang kuwento tungkol sa isang tao na ubod nang yaman na maraming sasakyan kaya marami rin siyang driver. At isa sa kaniyang driver si "Tony."
Tuwing umaga bago magsimula sa kaniyang trabaho bilang driver, nagdadasal si Tony sa harapan ng grotto sa hardin. Madalas siyang nakikita ng mayamang amo, at iniisip na masyadong relihiyoso si Tony.
Ang sabi ng mayamang amo patungkol kay Tony: “Hindi naman niya kailangang magdasal. Ang kailangan niya ay talino. Dasal nga siya nang dasal, pero hindi naman siya matalino, [kaya] hanggang ngayon driver pa rin siya. May magagawa ba ang dasal niya para siya ay tumalino."
Isang umaga, kinausap ni Tony ang mayaman niyang amo. Sinabi ni Tony ang kaniyang napanaginipan na mamamatay daw mamayang hating-gabi ang pinakamayamang tao sa Pilipinas.
Buong pagmamalasakit na sinabi ni Tony sa kaniyang amo na batid niyang napakayaman na tao na, “Sir, mag-ingat po kayo.”
Kahit hindi naniniwala ang mayamang amo, pinatawag pa rin niya ang lahat ng kaniyang doktor at pinapunta sa kaniyang bahay para siya ay mabantayan. Baka nga naman magkatotoo ang sinabi sa kaniya ni Tony. Kaya naniguro siya sa tabi ng mga doktor.
Pero sumapit at lumipas ang hating-gabi, buhay pa rin ang mayamang amo. Kaya pinauwi na niya ang mga doktor. Nasabi niya sa sarili na tinakot lang siya ng kaniyang driver na si Tony na kung ano-ano ang naiisip dahil sa pagdarasal.
Subalit maya-maya lamang, kumatok sa kaniyang pintuan ang anak ni Tony. Ibinalita nito sa mayamang amo na hindi na makakapasok ang kaniyang ama dahil pumanaw ito kaninang hating-gabi.
Dito napagtanto ng mayamang amo na hindi pala siya ang pinakamayamang tao na tinutukoy ni Tony, walang iba kundi si Tony mismo. Hindi nga lang sa materyal na bagay mayaman ang driver, pero sa paggawa ng kabutihan at pagiging isang mabuting alagad ng Diyos.
Paano nga ba natin pinaghahandaan ang pagharap natin sa Panginoon pagdating ng araw? Saan ba natin ginugugol ang ating buhay dito sa ibabaw ng lupa? Ito ba’y inilalaan natin sa pag-iimpok ng napakaraming kayamanan o ang paglalaan ng ating oras para sa Diyos, at paggawa ng kabutihan sa kapuwa?
Mababasa natin sa Ebanghelyo (Lucas 12:39-48) na katulad ng magnanakaw ay hindi nagbibigay ng babala ang kamatayan kung kailan aatake. Kung alam lang sana natin, malamang makakapaghanda tayo. (Verse: 39)
Kung tutuusin, napaka-simple lamang naman ng paghahanda na puwede nating gawin upang tayo ay makapasok sa Kaharian ng Diyos sa Langit. Kagaya ng sinasaad sa Mabuting Balita patungkol sa paghahanda, kailangan lang nating maging mabuti sa ating kapwa at maging isang mabuting Kristiyano.
Sa madaling salita, kailangan nating maging mabait at sikapin na gumawa ng kabutihan sa araw-araw kung nais nating makapasok sa Kaharian ng Diyos at magtamo ng buhay na walang hanggan.
Sa halip na materyal na bagay o kayamanan ang ipunin na hindi naman natin madadala kapag sumapit na ang takdang araw ng ating kamatayan, mas dapat na mag-impok tayo ng napakaraming kabutihan. Dahil pagharap natin sa Panginoon, makikita Niya na tayo ang pinakamayaman sa Kaniyang paningin.
Dapat din matakot at mag-isip-isip ang mga pilosopong tao na nangangatwiran na “mas matagal mamatay ang masamang damo." Dahil magiging huli na sa kanila ang lahat kapag dumating ang kanilang araw nang paglisan sa mundo.
Dahil kung puro kasamaan ang kaniyang iipunin sa pag-aakalang mas magiging mahaba ang kaniyang buhay, asahan na walang Langit na maghihintay sa kaniya sa kabilang buhay. Pakatandaan na walang nakababatid kung kailan darating ang kamatayan--maging mahirap na tao o sa mayaman.
Kaya pinapaalalahanan tayo ng Pagbasa na maghanda tayo para sa kinabukasan ng ating mga kaluluwa. At ngayon pa lamang ay simulan na nating mag-impok ng kabutihan. AMEN.
-- FRJ, GMA Integrated News