Dahil sa  makabagong X-ray machine, nadiskubre ng isang pasyente na mayroon pala siyang ngipin na nakapuwesto sa kaniyang ngalangala.

Sa video ng Next Now, sinabi na isa lamang ang naturang dental patient sa marami pang pasyente na nakaiwas sa posibleng komplikasyon sa dental procedures dahil sa cone-beam computed tomography o CBCT.

Kaya kasi ng CBCT na kumuha ng 3D imaging, hindi lang ng ngipin ng pasyente, kundi maging ang lahat ng buto malapit sa bibig. At magagawa ito sa loob lamang ng 30 segundo.

Ipinapakita rin ng makina kung ano ang nasa loob at labas ng nasabing ngipin at mga buto.

“Ang advantage nito is the dentist will be able to accurately diagnose and come up with a more accurate treatment planning for their dental and medical procedures,” paliwanag ni Iris Pato ng Insights Diagnostics.

Dagdag pa ni Pato, mas efficient din ang paggamit ng radiation ng CBCT kaysa sa tradisyunal na 2D panoramic X-ray.

“The machine has an Artificial Intelligence Technology assessing the bone structure of the patient and adjusts its radiation level so that it will only expose the patient to what is necessary,” aniya.

Ayon naman sa dental consultant na si Dr. Claire Reodica, epektibo rin ang CBCT para maiwasan ang komplikasyon at impeksyon sa marami pang procedures gaya ng root canal at paglalagay ng implant.

“Usually lalo na ‘pag complicated ‘yung case malapit siya sa mga mandibular [nerve] ‘yun ‘yung tinitingnan natin na kapag na-hit magkakaroon ng numbness ‘yung patient. Usually kita yun sa CBCT,” paliwanag ni Reodica.

“We even trace the mandibular canal pathway kapag CBCT ang ginamit compared sa 2D,” sabi pa niya. 

Mas madali rin umanong maipaliwanag sa mga pasyente ang gagawin ilang procedures dahil sa mas malinaw ang X-ray scans ng CBCT.

“Mas mayroon tayong precautionary measures at mas maiintindihan ni pasyente ano yung risks and benefits na mapagdadaanan niya,” ani Reodica.--Sundy Mae Locus/FRJ, GMA News