"Ngunit sumagot ang tagapag-alaga. 'Huwag po muna nating putulin ngayon, huhukayan ko po ang palibot at lalagyan ng pataba. Baka sakaling mamunga na sa susunod na taon. Kung hindi pa, saka po ninyo ipaputol.'" (Lucas 13:8-9)
MAYROON kaming babaeng kapitbahay noong araw na napakahigpit sa kaniyang mga anak. Ang paraan ng kaniyang pagdidisplina ay ginagamitan niya ng pananakit o pamamalo sa tuwing nagkakamali ang kaniyang mga anak.
Ang katuwiran kasi ng kapitbahay namin, ang kaniyang pamamalo sa mga sutil niyang anak ang magtutuwid sa kanilang baluktot na pag-uugali. Naniniwala siya na ito ang solusyon para tumino ang mga pasaway niyang mga anak.
Ngunit ano nga ba ang ibinunga ng kaniyang mahigpit at may pananakit na paraan ng pagdidisiplina? Tumino ba ang kaniyang mga anak gaya ng kaniyang pinaniniwala? Hindi, sa halip ay mas lalo pang nagrebelde at naging pasaway ang kaniyang mga anak.
Ang pagtutuwid sa isang taong nasasadlak sa kasalanan, pasaway at sakit ng ating ulo, ay hindi kailangang gamitan ng puwersa o karahasan kung nais nating mabago ang kaniyang buhay. Kailangan tayong maging mahinahon at magkaroon ng maraming pasensiya.
Ganito ang mensaheng ibinibigay sa atin ng Ebanghelyo (Lucas 13:6-9) patungkol sa talinghaga ng "puno ng igos." Matutunghayan natin sa kuwento ang pagkakataon na ibinibigay sa may-ari ng ubusan para mamunga ang puno ng igos.
Maihahalintulad din tayo sa isang puno ng igos na katulad ng inilalahad sa kuwento. Sapagkat binibigyan din tayo ng pagkakataon ng Panginoong Diyos para mamunga o magbagong buhay mula sa ating mga kasalanan at maituwid ang ating mga pagkakamali.
Si Hesus ay katulad ng hardinero o tagapag-alaga ng ubasan sa Pagbasa na inutusan ng may-ari ng puno ng igos na putulin na dahil hindi namumunga. Nakiusap ang tagapag-alaga na bigyan siya ng pagkakataon na alagaan ang puno para mamunga sa halip na putulin na.
Gaya ng tagapag-alaga, hindi rin tayo sinusukuan ni Hesus at patuloy Niya tayong inalagaan at ginagabayan. Sapagkat ayaw niyang mapahamak ang ating kaluluwa pagdating ng araw. Kaya matiyaga niya tayong inaalagaan katulad sa puno ng igos.
Ang Kaniyang mga Salita sa Bibliya at mga Pagbasa ang mistulang “abono” upang tayo’y lumago at mamunga na parang isang halaman o puno. Ito rin ang nagbibigay sa atin ng kalakasan para tumibay ang ating pananampalataya sa Panginoon.
Ang Panginoong Hesus ay hindi kagaya ng may-ari ng ubasan na marahas agad ang pagpapasya nang makita niya na hindi na namumunga ang puno ng igos sa kaniyang ubasan. Nais nitong ipaputol agad ang puno dahil nakakasikip lamang sa kaniyang ubasan. (Lucas 13:7)
Ang ginawa ng may-ari ng puno ay kagaya ng ginawang paraan ng pagdidisplina ng kapitbahay namin na gumamit agad ng dahas o pananakit sa kagustuhang maituwid ang pagkakamali ng kaniyang mga anak.
Subalit hindi ganoon ang estilo ng ating Panginoon, na isang mabuting ama. Hindi Niya basta-basta pinaparusahan ang mga anak Niyang ayaw sumunod sa Kaniyang utos. Hindi Niya tayo puputulin na parang puno ng igos na walang pakinabang.
Laging naghihintay ang Panginoong Hesus sa mga alibughang anak Niya na napapariwara ang buhay at naliligaw ng landas para muling magbalik-loob sa Kaniya. Ang kailangan lamang natin gawin ay manampalataya, magtiwala at lumapit sa Kaniya.
Hindi titigil at hindi magsasawa ang Panginoon hanggang sa tayo’y magbago at maging mabunga sa pamamagitan ng bagong buhay at bagong pag-asa.
MANALANGIN TAYO: Panginoong Hesus, turuan Niyo po kaming maging tulad Niyo na mahinahon at hindi sinusukuan ang mga taong makasalanan. Nawa’y matutunan din namin ang magmalasakit at alagaan sila gaya ng puno ng igos hanggang sa sila’y tuluyang magbalik-loob Sa'yo. AMEN.
--FRJ, GMA News