Nakaisip ang isang lalaki na gumawa ng self-heating boxes para manatiling mainit ang mga take-out na pagkain na ipadadala sa mga customer. Ang kaniyang negosyo, milyon-milyon piso na ngayon ang kinikita.
Sa progamang "Pera Paraan," sinabing inabot ng dalawang taon ang ginawang research ni Romeo Joven, owner/founder ng HotBox, para tugunan ang problema ng lumalamig na mga take-out na pagkain.
"Lahat tayo, we all have had issues na 'pag nagte-takeout tayo o delivery, or even meetings, by the time we eat, malamig na 'yung food natin. Unfortunately pagkaganu'n, hindi na kasingsarap 'yung lasa and 'yung quality ng food," sabi ni Joven.
Naging inspirasyon ni Romeo ang meals ready to eat (MRE) ng US military.
"It heats up your food. The only problem with it is it's medyo processed and medyo dangerous kasi ikaw ang naghahawak mismo. So we created a way to simplify it and make it more consumer-friendly," sabi ni Joven.
Handa na raw silang ilunsad ang kanilang negosyo noong 2020, pero dumating ang COVID-19 pandemic. Unang inakala ni Joven na hindi gagana ang kaniyang negosyo, pero lumabas na naging mas in-demand pa pala ito.
Unang pinagbentahan ni Joven ang mga hotel.
Mula sa mga self-heating boxes, nagbebenta na rin sina Joven ng masasarap na pagkaing inilalagay sa kahon, tulad ng bento at platter meals, lugaw, burger, pizza at dimsum.
Hindi rin biro ang gastos o puhunan ni Joven na umabot ng P6,000,000 hanggang P7,000,000 dahil sa matinding research and development, na gamit na makabagong teknolohiya.
Pero bawi ang puhunan dahil milyones din naman ang naging balik sa kaniya nito. Umaabot ng P1,000,000 ang net income ng kaniyang negosyo kapag regular season, at P4,000,000 hanggang P5,000,000 kapag peak season. --FRJ, GMA News