May mga invasive species o dayuhang palaka na nakarating sa Pilipinas. Pero ang itinuturing pinaka-mapaminsala at mapanganib sa kanila ay ang Rhinella marina o cane toad. Alamin kung bakit.
Sa programang "Born To Be Wild," sinabing bukod sa kinakain ng cane toad ang mga maliliit na uri ng palaka, may taglay din itong lason na kayang pumatay sa kakain sa kaniya.
Paliwanag ni ni Dr. Arvin Diesmos, herpetologist ng ASEAN Center for Biodiversity at Herpwatch Philippines, na ang cane toad ay isa sa mga "very potent" na invasive alien species na native sa Central at sa South Amerika.
Ayon naman sa "BTBW" host na si Dr. Nielsen Donato, nakikipagkumpitensiya rin ng tirahan ang mga cane toad sa iba pang mga hayop sa kagubatan.
Sa kanilang pagbisita sa Mount Kanlaon, sinuri ni Doc Nielsen ang balat ng isang cane toad. Makikita na may lumalabas dito na ang puting likido na umano'y lason ng palaka.
Kahit ang mga alagang hayop gaya ng aso, manganganib ang buhay kapag nakagat o nakain ang naturang palaka.
Sa pagpapatuloy ng kanilang paglalakbay, isa na namang cane toad ang nakita ni Doc Nielsen, na kasinglaki na ng palad.
Ayon sa kaniya, maaari ring magdulot ng erosion ang mga cane toad dahil sa ginagawa nitong paghuhukay sa lupa.
"Seeing a big one, mas malaki pa sa palad ko na nandu'n sa forest, it's very alarming," sabi ni Doc Nielsen.
"Ang nakita ninyo na cane toad sa loob ng kagubatan ay isang indikasyon na slowly they are penetrating na itong native habitats natin, for example, forests. Delikado ito sa mga native fauna dahil puwede kasi silang kainin ng mga ito," sabi ni Dr. Diesmos.
Paliwanag ni Doc Nielsen, ang pagkakakita rin ng iba't ibang uri ng palaka ay indikasyon na maganda pa ang kapaligiran dahil wala pang pollutants.
Ang mga balat ng mga palaka ang kumukuha ng mga toxin, kaya sila ang unang mamamatay kung nagkaroon ng kontaminasyon.
Tunghayan sa Born to be Wild ang mapaminsalang cane toad, at ang pamamaraan ng iba't ibang palaka sa Pilipinas para magparami. Panoorin ang video.--FRJ, GMA News