May mga biktima ng hit-and-run ang nasawi, o kundi man ay nagtamo ng matinding pinsala sa katawan. At marami sa kanila ang patuloy na nananawagan ng hustisya para mapanagot ang mga nakabangga sa kanila.
Sa special report ni Maki Pulido sa Reporter's Notebook, sinabing isa sa mga biktima ng hit-and-run ang tatlong-taong-gulang na si Rhay Marie Sampang, na nahagip ng SUV sa Barangay San Antonio, Parañaque.
Naglalakad sina Rhay Marie at ang isa pang bata noong Setyembre 20 sa kalsada, nang isang SUV ang lumiko at nahagip ang biktima.
Pero sa halip na tumigil ang SUV, nagdire-diretso lamang ang SUV at iniwang nakahandusay sa kalsada si Rhay Marie.
Ayon sa ama ni Rhay Marie na si Raymond, nagtatrabaho siya noon bilang construction worker kaya inihabilin muna niya sa batang kuya ang kapatid. Ang asawa niya naman ay isang OFW sa Saudi Arabia.
Nang bumili ng tinapay ang kuya si Rhaymart, hindi niya namalayang sumunod pala sa kaniya ang kapatid.
"Hindi po ako makapaniwala na nangyari 'yon. Akala ko po okay pa. 'Yun pala naisip ko wala na po pala 'yung kapatid ko," sabi ni Rhaymart.
Hindi tumigil ang SUV kaya hinabol siya ng mga residente at inabutan. Pero, ang driver, itinanggi na siya ang nakabangga sa bata.
Nahanap ng Parañaque Police ang suspek at sinampahan ng kasong reckless imprudence resulting to homicide and physical injuries.
Kung inabutan at nahuli ang nakadisgrasya kay Rhay Marie, sa kaso ng 62-anyos na si Rey Concon, hindi.
Kalunos-lunos ang sinapit ni Concon, isang air-con mechanic, sa San Pablo, Laguna, na hindi lang isang beses masagasaan noong Setyembre 21, habang nagja-jogging.
Sa video footages, makikita ang isang SUV ang nakabangga kay Concon. Bumaba ang driver nito at sinuri ang kaniyang sasakyan, at saka muling sumkay at iniwan lang ang biktima na nakahandusay sa daan.
Sa halip na tulungan, dinaanan o iniiwasan lang ng iba pang sasakyan ang nakahandusay na si Concon sa gitna ng kalsada. Wala ring ginawa ang mga tao na nakakita sa pangyayari at piniling magmasid lang.
Isa pang kotse ang dumaan sa biktima at hindi rin tumigil. At hindi nagtagal, isang gray na kotse ang nakahagip muli kay Concon at nakaladkad ng ilang metro ang kaniyang katawan.
Dito pa lamang nilagyan ng barrier sa paligid ang katawan ni Concon. Pero sa mga oras na iyon, wala nang buhay ang biktima.
Hindi pa natutukoy ang driver ng unang dalawang sasakyan, habang nagbigay naman ng tulong sa pamilya ng biktima ang may-ari ng gray na kotse.
Samantala, nakunan naman sa EDSA Balintawak ang isang kotse na mabilis ang takbo habang lumilipat ng linya. Hanggang sa mabangga niya ang isang motorsiklo na may angkas na pasahero.
Nagtamo ng mga sugat ang pasaherong si Adrian Tantoco, na galing sa trabaho, at ang driver na si Frederick Sarong. Hindi raw nila parehong namalayan na na-hit-and-run sila.
Tigil-pasada muna si Sarong habang nagpapagaling.
Hindi naman naplakahan ang kotse sa dashcam video, kaya pahirapan na matunton ang driver ng sasakyan.
Nagpaabot ng tulong ang TNVS company ng sinakyan ni Tantoco, na sinagot ang lahat ng gamot at pagpapaospital sa kaniya.
Sasampahan naman ng PNP-Highway Patrol Group, agad na sasampahan ng kasong reckless imprudence resulting to physical injury ang driver ng kotse kapag natunton na nila ito.--FRJ, GMA News