Matutunan sana natin ang maging magtiyaga sa ating pananalangin (Lucas 11:5-13).
ANG buhay ay punong-puno ng mga pagsubok. Patuloy tayong makararanas ng mga hamon ng buhay kaya ang laging paalala sa atin ay huwag natin kakaligtaan ang humingi ng tulong sa Panginoon sa pamamagitan ng pananalangin.
Tanging panalangin lamang ang makasasagot at makalulutas sa lahat ng mabibigat na pagsubok na mararanasan natin sa buhay. Hilingin natin na gabayan tayo ng Banal na Espiritu upang makagawa o makaisip ng paraan upang malutas ang ating mga problema. Gaya na lamang ng naging karanasan natin sa panahon ng COVID-19 pandemic.
Dahil sa walang humpay, masidhi at taimtim na pananalangin natin sa Panginoong Diyos, dininig din Niya ang ating mga dasal. Unti-unti na tayong nakakabangon sa pandemya.
Pinatutunayan lamang nito ang kasabihan na kung may tiyaga, may biyaya. Sapagkat ang mga taong nagtitiyaga sa kanilang pananalangin ang higit na pinagpapala at binibiyayaan ng Diyos. Kaya nawa’y huwag tayong hihinto at manghihinawa sa ating mga pananalangin sa Panginoon.
Ito ang mensahe ng Mabuting Balita (Lucas 11:5-13) patungkol sa ating masigasig na pananalangin sa Diyos. Inilarawan ito ni Hesus sa pamamagitan ng isang Talinghaga na tungkol sa isang tao na nagpunta sa kaniyang kaibigan para humingi ng tulong.
Ipinaliwanag ng Panginoong Hesus sa kaniyang pangangaral na hindi man bumangon ang lalaki upang ibigay ang hinihingi ng kaibigan, babangon pa rin ito para ibigay ang hinihingi ng kaniyang kaibigan dahil sa pagpupumilit nito. (Lucas 11:8).
Itinuturo sa atin ng Ebanghelyo na kapag tayo ay nananalangin sa Diyos para hingin ang kaniyang tulong o mayroon tayong personal na kahilingan, kinakailangan natin ang magtiyaga sa ating mga panalangin at huwag tayong mawawalan kaagad ng pag-asa.
Ipagkakaloob ng Panginoong Diyos ang ating mga kahilingan sa tamang panahon, o in God’s perfect time ika nga. Ibibigay din Niya ang ating mga ipinagdadasal at minimithi, pero kailangan natin na matutunan na magtiyaga at maghintay.
Mayroon ilan sa atin na masyadong nag-aapura at minamadali ang Panginoon na sagutin agad ang kanilang mga dasal. Nais nating ipaalala na ang kinakausap natin sa ating mga dasal ay ang Diyos at hindi isang makina o karaniwang tao.
Hindi parang 3-in-1 coffee ang panalangin na just add water ay may instant kape ka na. O kaya naman ay instant noodles. Kung hindi man matanggap ang iyong ipinagdarasal, baka may ibang inilalaan para iyo ang Panginoon. At marahil ay mga panalangin tayo na hinihingi na sadyang hindi ipagkakaloob sa atin ng Diyos kung alam Niya na makakasama ito para sa atin.
Sabi ng Panginoong Hesus sa Ebanghelyo: “Ang bawat humihingi ay tatanggap, ang bawat humahanap ay makakatagpo at ang bawat kumakatok ay pagbubuksan” (Lucas 11:10) sapagkat batid ng Diyos ang ating mga pangangailangan.
Maaaring kaya hindi kaagad sinasagot ng Panginoon ang ating mga panalangin ay dahil sinusubukan Niya ang ating pasensya at pananampalataya. O baka naman marami ka nang ipinagdasal na nakamit pero nakakalimutan mo namang magpasalamat at magbahagi sa ibang nangangailangan. AMEN.
--FRJ, GMA News