Nagsimula lamang sa lumulutang na tila alikabok sa kaniyang paningin, lumala ang kondisyon sa mata ng isang 22-anyos na content creator, na humantong sa pagtatanggal sa kaniyang kanang mata. Ano nga ba ang dahilan nito? Alamin.
"Three months ago nagkaroon ako ng eye floaters. Medyo nagdi-distort na 'yung images na nakikita ko sa right eye. Tapos binalewala ko siya kasi I thought it is not something serious," sabi ni Gabo Adeva sa programang "Dapat Alam Mo!"
Sumakit din ang ulo ni Adeva na inakala niyang dulot lang ng puyat o astigmatism. Hanggang sa tuluyan nang dumilim ang kaniyang paningin sa isang mata.
Doon na kumonsulta si Adeva sa apat na espesyalista para matukoy ang dahilan ng pagkabulag ng kaniyang kanang mata.
Unang lumabas na diagnosis na nagkaroon si Adeva ng retinal detachment kung saan naputol ang retina ng kaniyang kanang mata.
Unti-unti na ring nawala ang kulay ng kaniyang pupil, pati ang kaniyang peripheral vision sa kanang mata. Kaya may mga pagkakataon na may nasasanggi o hindi niya napapansin na mga bagay sa kaniyang kanang bahagi.
Nang magpakonsulta sa isang ocular specialist, nagulat siya nang matuklasan sa ultrasound na meron na palang tumutubong 13 mm na tumor sa kaniyang kanang mata.
"Nag-conclude si doc na 'yung sakit na ito sa mata is caused by cancer cells," sabi ni Adeva.
Dahil dito, nagdesisyon si Adeva na ipatanggal ang kaniyang kanang mata. Sumailalim siya sa inoculation nitong Oktubre at tinanggal na ito.
Paliwanag ni Dr. Gary Mercado, opthalmologist specializing in ocular tumor and surgery, may choirodal melanoma si Adeva.
"Isang uri po iyon ng bukol na nanggagaling sa pigment cells ng ating mata. Wala talagang ginawa si Gabo or ibang pasyenteng may ganitong klase ng sakit. Nangyayari lang," sabi ni Dr. Mercado.
Tumagal ng isa at kalahating oras ang operasyon kay Adeva. At sa kabila ng nangyari sa isa niyang mata, nanatiling matatag at positibo ang pananaw niya sa buhay.
"Dapat alam mo na walang binabato ang buhay sa atin na hindi natin kaya," sabi ni Adeva.--FRJ, GMA News