Sa paggamit ng mga tao sa social media, nauuso rin ang iba't ibang mga content. Katulad ng mga prank na kung minsan ay hindi ikinatutuwa ng kanilang "biktima." Anu-ano nga ba ang hangganan ng mga prank, at maaari bang kasuhan ang mga gumagawa nito?
Sa Kapuso sa Batas, ipinaliwanag ni Atty. Gaby Concepcion na maaaring makasuhan ang isang tao kung ang ipa-prank niya ay alagad ng batas dahil isa itong uri ng "false claim."
Sa ilalim ng batas, bawal din ang mag-prank o magbiro tungkol sa bomb threats, tulad sa mga public places o transport gaya ng airport. Mayroon itong kaparusahan na limang taon na pagkakakulong at multa.
Bagaman sa kasalukuyan ay walang direktang batas para sa iba pang prank o practical jokes, ngunit maaaring sampahan ng unjust vexation ang taong gumawa ng prank na nagresulta sa matinding pagkainis ng "biktima."
Ayon kay Atty. Concepcion, ang unjust vexation ay "catch all" sa lahat ng mga ginawang nakakainis ng isang tao ngunit hindi pumapasok sa ibang krimen.
Maaari namang sampahan ng alarm and scandal ang isang tao kung ang resulta ng kaniyang prank ay pagka-alarma ng mga tao, kabilang na ang pulisya at mga rumerespondeng law enforcement agency.
Halimbawa na lamang nito ang isang tao na nagpanggap na bangkay sa loob ng sako at pumuwesto sa tabi ng daan, na ikinatakot ng mga tao. Dahil dito, nakasuhan ang gumawa ng prank.
Maaari ring makasuhan ang isang tao kapag naglabas siya ng prank sa social media na nagresulta sa kahihiyan, katatawanan o panganib ng kaniyang biniktima.
"At the end of the day, not everything is a joking matter," paalala ni Atty. Concepcion.--FRJ, GMA News