Ang lahat ay tinatawag ng Diyos para magtrabaho sa Kaniyang ubasan. Gaya ng pagtawag Niya sa lahat para magbagong buhay (Mateo 20:1-16).
NAKASAAD sa Bibliya na kawangis natin ang Diyos. Itinuturo rin sa atin na dapat nating tularan ang Panginoon sa pamamagitan ng paggawa ng kabutihan sa ating kapwa.
Pero hindi natin nagiging kawangis ang Panginoong Diyos sapagkat magkaibang-magkaiba ang pamantayan ng tao kumpara sa Panginoon. Partikular na pagdating sa pakikitungo natin sa kapuwa o ang pakikipag-kapuwa tao natin.
Sa pamantayan ng isang tao, kung sino ang magaling magpalapad ng papel, iyon ang mas nabibigyan ng pagkakataon at oportunidad. Samantalang ang mga taong walang kinakapitan o walang impluwensiya ay hindi naman masyadong napapansin.
Itinuturo sa atin ngayon ng Mabuting Balita (Mateo 20:1-16) na wala sa bokabularyo ng Panginoong Diyos ang salitang “palakasan” na inilalarawan ng “Talinghaga Tungkol sa May-ari ng Ubasan.” Dito ay mababasa na pantay-pantay ang pagtingin ng Diyos sa lahat.
Inilalarawan sa kuwento ang tungkol sa isang taong lumabas nang maagang-maaga upang humanap ng manggagawa para sa kaniyang ubasan. Nagkasundo sila ng nauna niyang nakausap sa umaga sa bayad na isang salaping pilak sa buong araw na trabaho. (Mateo 20:1-2)
Ang lahat ay binibigyan ng pagkakataon at pag-asa ng Diyos na ipinapakita ng Ebanghelyo. Katulad ng may-ari na binigyan din niya ng pagkakataon ang kaniyang mga tinawag na makapagtrabaho sa kaniyang ubasan. Kahit ang mga tinatawag pa niya sa mga sumunod na mga oras hanggang sa hapon, upang magtrabaho sa ubasan. (Mate 20:6-7)
Pinahahalagahan lamang ng may-ari ng ubusan ang kapakanan ng mga taong nasa kaawa-awang kalagayan na walang hanapbuhay. At pagkatapos ng buong araw na trabaho, ipinatawag na niya ang mga manggagawa. Kahit ang mga manggagawa na hapon na nagsimulang magtrabaho ay binigyan pa rin niya ng sahod na katulad ng buong araw na trabaho. (Mateo 20:8-11)
Marahil ang iniisip ng may-ari ng ubasan na kung ang ibabatay niya sa dami o tagal ng oras ang ibabayad niya sa mga manggagawang nagtrabaho ng alas singko ng hapon, baka hindi sasapat ang kanilang sasahurin para makabili man lamang ng kanilang pagkain.
Kung kaya’t ipinantay niya ang kanilang kita sa sahod na tinanggap din ng mga nauna sa kanila. (Mateo 20:10). Ganito ang pagtingin ng ating Panginoon para sa lahat ng Kaniyang nilalang kahit pa ang mga makasalanan.
Mababasa din natin sa Ebanghelyo ang ipinakitang kasakiman ng mga manggagawang unang tinawag. Dahil mas mahaba ang oras ng kanilang pagtatrabaho, nais nilang bayaran sila ng mag-ari ng ubasan ng mas malaki, kahit pa hindi iyon ang kanilang napagkasunduan.
Sa halip na isipin ng manggagawa na maagang nagtrabaho ang kabutihan na ipinakita ng may-ari ng ubusan sa kapuwa niya manggagawa na hapon na natawag para magtrabaho, ang pumasok sa isipan niya ay ang maging makasarili.
Ganiyan din ang ilan sa atin. Iniisip ang sarili at nais makalamang sa kapuwa. Ang lahat naman sa atin ay tinatawag ng Panginoong Diyos na magtrabaho sa Kaniyang ubasan. Katulad ng pagtawag Niya sa lahat ng mga makasalanan na magbalik-loob at magbagong buhay.
Subalit gaya ng mga manggagawang nagrereklamo sa kuwento (Mateo 20:12), may mga tao din na umaangal kapag nakikita nila na nabibigyan ng panibagong buhay at nagtatamo ng kapatawaran ang mga taong dating namumuhay sa kasalanan.
Kung binibigyan man ng pagkakataon ng Diyos ang mga masasamang tao na makapagbagong buhay at umaasenso, wala tayong karapatang kuwestiyonin ito katulad ng ipinakita ng mga manggagawa sa kuwento. Hindi natin maaaring panghimasukan at kuwestiyunin ang desisyon ng Panginoon.
Kaya ang paanyaya sa atin ng Pagbasa ay magpasalamat tayo sa pagkakataon at mga biyayang ipinagkakaloob sa atin ng Diyos. Huwag sana natin kainggitan ang mga taong nabibigyan din ng Diyos ng kahalintulad na pagkakataon.
-- FRJ, GMA News