Hindi makapagsasalita at hindi makatatayo ang tila bata na si Cherry Balobo. Sa kaniyang laki na parang tatlong-taong-gulang, napag-alaman na 32-anyos na si Cherry na mayroong kondisyon na tinatawag na congenital hypothyroidism.
Sa ulat ni Mav Gonzales sa programang "Brigada," ipinakita ang kalagayan ng mag-inang sina Erlinda at si Cherry, na tinatawag ding si Mahal, na isinilang sa Davao del Norte.
Biyuda na si Erlinda at walang malapit na kamag-anak na puwedeng hingan ng tulong kaya mag-isa lang niyang itinaguyod at inalagaan ang anak.
Umaga pa lang, abala na si Erlinda sa pag-aasikaso kay Cherry na palaging nakahiga dahil hindi siya nakakatayo. Kahit sa pagkain, nakahiga rin lang si Cherry.
Malusog naman daw nang isilang ni Erlinda si Cherry. Pero nang maging limang-taong-gulang si Cherry, tumigil na ang kaniyang paglaki at hindi na rin nagbago ang hitsura.
Pero may mga oras na kailangan na iwan ni Erlinda na mag-isa si Cherry sa higaan para kumayod sa pamamagitan ng paglalaba.
Dahil sa kaniyang kondisyon, hindi naranasan ni Cherry ang makipaglaro sa mga bata. Ayon kay Erlinda, ang mga supot o pabalat ng mga junk food ang nagsisilbing libangan ng kaniyang anak na hinahawak-hawakan nito.
Bagaman hindi nakakapagsalita, makikita naman sa matamis na ngiti ni Cherry ang kaniyang pagmamahal at pasasalamat sa walang kapantay na pag-aaruga ng kaniyang ina.
Subalit dahil na rin sa edad ni Erlinda, hindi niya maiwasan na isipin at mag-alala na kung ano ang mangyayari sa kaniyang anak kapag nawala na siya.
Inaalala rin niya kung saan sila sisilong ni Cherry kapag pinaalis na sila sa lumang bahay kung saan sila nakatira ngayon.
Sa loob ng tatlong dekada, hindi pa naipapatingin sa duktor si Cherry. Kaya sa tulong ng lokal na pamahalaan, sa unang pagkakataon ay masusuri si Cherry para alamin ang lagay ng kaniyang kalusugan.
Ano nga ba ang congenital hypothyroidism at maaari ba itong malunas upang hindi mabilanggo sa tila pagkabata ang isang tao? Tunghayan ang buong ulat sa video.--FRJ, GMA News