Sa ilalim ng K-12 Program, maaari nang maghanap ng trabaho ang mga estudyanteng makakapagtapos dito. Pero natatanggap ba naman sila o may kakulangan talaga sa programa na kailangang bigyan ng pansin?
Sa "Need To Know," sinabing base sa datos ng Philippine Statistics Authority (NSA), mahigit 500,000 sa mga senior high school graduate ang unemployed.
Habang mahigit 200,000 naman sa datos ng Department of Labor and Employment.
Sa programa, skills set ng mga kabataan ang tinututukan at mayroon itong tatlong "track" na pagpipilian: academic, technical vocational-livelihood, at sports and arts.
Sa ilalim ng academic track, maaaring pumili ang estudyante sa strands na Accountancy, Business and Management (ABM), Humanities and Social Sciences (HUMSS), Science and Technology, Engingeering Mathematics (STEM) o general academics strand, para sa mga gusto pang mag-aral sa kolehiyo.
Sa ilalim naman ng technical vocational-livelihood (TVL), mas binibigyan ng pansin ang pagbibigay kasanayan sa mga estudyante sa larangan ng agrikultura, electronics at trade. Meron itong katumbas na national competency certificate sa napiling training course, at pabor para sa mga gustong magtrabaho agad pagkatapos ng K-12.
Isinagawa ang isang pag-aaral tungkol sa academic performance ng K-12 students sa pangunguna ni Dr. Porferio M. Almerino Jr. ng Cebu Technological University.
Lumabas sa pag-aaral na ang mga estudyanteng nasa strand ng STEM at ABM ang may mataas na academic performance. Gayunman, ang mga nasa TVL, GAS at HUMSS ay nasa average hanggang below average test scores.
Pinakikita umano rito na sa kabila ng reporma sa edukasyon, may kakulangan pa rin ang mga estudyante sa kahandaan para sa higher education at makakuha ng trabaho sa abroad.
Kaya naman sinabi ni Dr. Almerino na dapat bigyang pansin ang pagpili ng track na kukunin ng mga estudyante.
"Ano ba ang competency na i-hone niya while she or he is still in the senior high school? Kasi ang nangyayari ngayon, nagkakaproblema ang state university because here comes the student who was at the time in the senior high school enrolled in HUMSS, but taking up mathematics program. Walang calculus doon sa HUMSS. But here comes a mathematics program na nagde-demand ng Calculus 1, Calculus 2 at Calculus 3. Anong ine-expect natin? Bagsak," sabi ni Almerino.
Base sa Philippine Statistics Authority, 511,905 ang unemployed o hindi nakahanap ng trabaho na senior high school graduates na hindi nagpatuloy sa kolehiyo noong Abril 2022.
Sa datos naman ng Department of Labor and Employment, 218,000 ang unemployed noong Marso 2022.
"The industry sector is encouraged to hire more K-12, pero marami ring available na college graduates... College graduate at least naman mayroon kang additional four years of education," sabi ni George Barcelon, President ng Philippine Chamber of Commerce and Industry.
"Sa ibang bansa ang mga curriculum nila, kinukuha nila 'yung best practices sa ibang bansa, pero ina-apply nila 'yon sa kanilang bansa. Sa atin iba. Pilit na pilit 'yung mga curriculum natin, palabas. [Nagpapahiram] tayo kasi kailangan ito ng ibang bansa," Sabi ni Vladimer Quetua, Alliance for Concerned Teachers (ACT-NCR).
"Ang dami nating mahuhusay na mga mag-aaral, ang dami nating mga imbentor. Pero sino ang nakikinabang dito? At marami na tayong napatunayan na mahuhusay, kaya lang ang nakikinabang ay mga dayuhan, mga ibang bansa kasi nga ang laki ng sahod, permanenteng trabaho. Wala dito 'yan sa Pilipinas," dagdag ni Quetua.-- FRJ, GMA news