Gustong gumanda ang porma ng panga at ilong pero walang perang pambayad sa surgery? No problem 'yan dahil posible raw itong makamit sa pamamagitan lang ng mga ehersisyo na tinatawag na "mewing" at nose pinching. Alamin kung papaano.

Sa kuwentong "Dapat Alam Mo!" ni JP Soriano, sinabing nakamit ni Val Puyong ang pinapangarap niyang jaw line at matangos na ilong sa loob lamang ng isang taon dahil sa mewing.

"Na-curious ako doon sa video, sabi ko puwede palang i-enhance 'yung mga facial feature, 'yung ilong, 'yung jaw line mo, puwedeng i-define through sa exercise lang," sabi ni Puyong.

Sa ehersisyong mewing, idinidikit lamang ang dila sa ngalangala o roof ng bibig, paliwanag ng cosmetic surgeon na si Dr. Michelle Slatensek.

Dagdag ni Dr. Slatensek, nakatutulong daw ito para sa sleep apnea, sinusitis at jaw reshaping.

Sinamahan din ito ni Puyong ng nose pinching, kung saan pinisil-pisil niya ang kaniyang ilong nang tatlong buwan, hanggang sa magbago na raw ang hugis nito, pati ang kaniyang mata.

Sumailalim din si Puyong sa low-carb diet para mapabilis ang kaniyang glow up.

Matapos ang isang taon at apat na buwan, nawala na ang taba sa jaw line ni Puyong, at ang kaniyang wrinkles o laylay na balat.

Ayon kay Dr. Slatensek, ligtas gawin ang mewing, ngunit walang siyentipikong basehan ang nose pinching.

Tunghayan sa Dapat Alam Mo! ang mga ehersisyong ginawa ni Val para sa mewing, kasama na ang kadalasang ginagamit sa mga selfie na duck face o fish face. --FRJ, GMA News