“Nang makita ni Hesus ang napakaraming tao, nahabag Siya sa kanila sapagkat sila’y nanlulupaypay at litong-lito. Parang mga tupang walang pastol”. (Mateo 9:36)
BAHAGI na yata ng ating buhay ang makatagpo ang mga kritiko. Sila ang mga tao na kahit gumagawa ka nang kabutihan ay pipintasan o pupulaan pa rin ang iyong mabubuting gawa.
Ang iba ay madaling nasisiraan ng loob kapag nakarinig ng hindi magagandang salita at kritisismo. Kaya itinitigil na lamang nila ang mabuting ginagawa dahil nawawalan ng gana o kaya ay umiiwas na lamang makarinig nang hindi magandang puna.
Tanggapin natin ang katotohanan na hindi ibig sabihin na kapag ikaw ay gumagawa ng kabutihan sa iba ay magiging mabuti na rin ang iba sa iyo. Hindi ibig sabihin na kapag ikaw ay gumawa ng kabutihan ay kabutihan din ang matatanggap mo sa kanila.
Kaya may mga payo na huwag maghintay ng sukli kapag gumawa ng mabuti. O kaya naman ay huwag maghintay ng kapalit ika nga. Sa ganitong paraan, hindi ka hihinto sa paggawa ng mabuti kahit pa may masamang ibabato sa iyo.
Nanaisin mo bang ihinto ang paggawa ng mabuti dahil lamang may mga taong masasama at hindi mabait sa iyo? Lalabas na nagpatalo ka, gayung ikaw naman ang nasa tama.
Ganito ang naranasan ng ating Panginoong HesuKristo sa Mabuting Balita (Mateo 9:32-38), nang pagalingan Niya ang isang pipi na sinasapian ng demonyo.
Mababasa natin sa kuwento na hindi lamang pinagaling ni Hesus ang pipi (Mateo 9:32-33), nilibot din Niya ang lahat ng mga bayan at nayon para magturo sa Sinagoga at ipangaral ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Diyos. (Mateo 9:35).
Ngunit sa kabila ng mga kabutihang ginawa Niya para sa mga tao, ano ang naging reaksiyon ng mga Pariseo? Pinaratangan Siya na kaya lamang daw Siya nakakapagpagaling ay dahil ang kapangyarihan Niya ay nagmula sa demonyo.
“Subalit sinabi naman ng mga Pariseo, 'Nakapagpapalayas Siya ng mga demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng mga demonyo!'” (Mateo 9:34)
Kahit ganito ang naging reaksiyon ng mga kritiko ni Hesus, huminto ba ang ating Panginoon sa paggawa ng kabutihan para sa mga tao? Itinigil ba ni Hesus ang Kaniyang mga ginagawa dahil lamang sa hindi natutuwa ang mga Pariseo sa Kaniya? Hindi.
Hindi huminto ang ating Panginoon. Tandaan lamang natin na hindi tayo gumagawa ng kabutihan para lamang matuwa sa atin ang ibang tao. Sa halip, gumagawa tayo ng kabutihan dahil nais natin itong gawain. Hindi para kanino pa man kung hindi para sa Panginoong Diyos.
Gumawa tayo ng kabutihan sa kapuwa bilang pagtanaw ng utang na loob at pasasalamat sa pagmamahal, kabutihan at pagiging mapagbigay ng Diyos sa atin.
Itinuturo ngayon ng Pagbasa na huwag tayong huminto sa paggawa ng kabutihan sa ating kapwa kagaya ng ipinakita ng ating Panginoong Hesus. Ipagpatuloy natin ang paggawa ng kabutihan kahit na hindi maging mabuti ang ibang tao sa atin.
Ang paalala ng isang pari sa isang banal na misa, "be good, be generous, and give Glory to God.” Nakikita ng Diyos ang lahat ng mabubuting ginagawa natin. At darating ang araw na ang lahat ng kabutihan natin ay aanihin natin sa tulong ng Panginoon.
Sa panahon ngayon na maraming pagsubok at kasamaan sa mundo, kailangan ng ang mga taong mabubuti, at gumagawa ng kabutihan sa iba. AMEN.
--FRJ, GMA News