Bitbit ang kaniyang pangarap na magkaroon ng isang maayos na bahay, nagpursige sa pag-aaral ang isang dating gasoline boy, at ngayon ay nakapagtapos na sa kursong BS Architecture matapos ang mahigit walong taon.
Ayon sa 31-anyos na si Jonell Calisin, nagtapos sa Bulacan State University, simple lamang ang pangarap niya na magkaroon ng maayos na bubong at dingding ang kaniyang bahay para proteksyunan ang kaniyang pamilya mula sa ulan at mainit na panahon.
“Lagi ko lang tinitingnan ‘yung bahay namin. Kapag gusto ko nang sumuko lagi kong iniisip na gusto kong makaranas nang may maayos na bahay," saad ni Jonell sa GMA News.
‘Yung hindi kayo nababasa ‘pag umuulan, hindi sobrang init ‘pag tag-araw, yung sarili n’yo na ‘yung lupa. Magtiwala ka lang sa Diyos at magugulat ka na lang nakamit mo na pala ‘yung mga pangarap mo," patuloy niya.
Bago nito, pinagsabay daw ni Jonell ang kaniyang pag-aaral at pamamasukan sa iba't ibang trabaho. Gaya ng pagiging bilang gasoline boy, factory worker, at merchandiser.
Kaya naman may mga pagkakataon na nakararamdam siya ng hiya dahil mas matanda pa siya sa kaniyang propesor at mga kaklase.
Gayunman, hindi ito naging dahilan para panghinaan siya ng loob.
“Hindi kami mayaman, hindi ako matalino, hindi ako proud na umabot ako ng eight and half year sa college. Pero ang tanging maipagmamalaki ko lang ay ‘yung hindi ako sumuko sa hamon ng buhay,” sabi ni Jonell. --FRJ, GMA News