Taong 2015 nang mahukay sa kusina ng isang paupahang bahay sa Surigao City ang kalansay ng isang batang babae. Ang suspek sa krimen, isang dayuhan na sangkot umano sa kasuklam-suklam na cycber child pornography.
Sa The Atom Araullo Specials, binalikan ang kaso ng Australian na si Peter Gerald Scully, na sinasabing nangunguha ng mga bata kasabwat ng Pinay na si Carme Ann Alvarez.
Kinukuha umano ni Alvarez ang tiwala ng mga bata sa pamamagitan ng pagbibigay ng pera at pagkain. Kapag sumama na sa kaniya ang mga bata, dadalhin niya ang mga ito kay Scully.
Kinukuhanan umano ni Scully ng video ang ginagawa niyang pagmamalupit at pang-aabuso sa mga bata para ibenta sa internet.
Ayon sa mga awtoridad na humawak sa kaso ni Scully, kasuklam-suklam ang mga ginagawang pang-aabuso sa mga bata, na ang pinakabatang biktima ay 18-buwang-gulang lang.
Ang isang pulis na nagsagawa rin ng imbestigason sa kaso, hindi napigilang maiyak nang maalala ang kababuyan na ginawa sa mga bata.
Nabunyag ang marumal-dumal na gawin ni Scully nang makatakas sa bahay ang dalawang batang babaeng biktima at nagawang makapagsumbong sa mga awtoridad.
Naaresto kaagad si Alvarez pero nagawang makatakas noon ni Scully. Matapos ang ilang buwan na pagtatago, nadakip din siya sa Bukidnon.
Gaano nga ba kalupit ang ginawa ni Scully sa mga bata at ano na ang lagay ng kaniyang kaso? Panoorin ang buong ulat sa video. --FRJ, GMA News