Para sa mga Manobo sa Bukidnon, sagrado ang "Buya" o pagkakasundo sa pag-aasawa nang maaga. Kung minsan ay nauuwi ito tribal war kapag hindi pumayag ang isang bata sa alok na kasal. Kaya ang ilan sa mga batang Manobo, tumatakas mula sa kanilang tribo at pinipiling tapusin ang kanilang pag-aaral.
Sa dokumentaryo na "Runaway Child Brides" ni Lilian Tiburcio sa "Stand For Truth," itinampok ang mga katutubong Manobo sa Sil-angon Village. Walang tubig at kuryente sa lugar, at umaasa lamang sa gubat ang mga tao para sa kanilang ikabubuhay.
Hindi rin marunong magbasa at sumulat ang marami sa mga katutubo.
Ang datu o lider ng kanilang komunidad ay naghahanda na para sa kasal ng bunso niyang anak na si Tessie Sedom, 15-anyos.
Para sa mga Manobo, ang pakikipagkasundo o maagang pagpapakasal ng mga bata ay isang paraan para masiguro na may maihahain sa hapag at magtatanggol sa kanila sa kagipitan. Ito ang tungkulin ng mga lalaki, na nagsisilbing hunter o warrior ng tribu.
Kaya naman ang isang bata ay maaari nang ipagkasundo sa kasal sa napakamurang edad kahit na dalawang taong gulang pa lang.
Pero si Tessie, may pakiramdam na tila hindi pa siya handa sa pag-aasawa.
"Kapag hindi matuloy ang kasal, magkakaroon ng tribal war. Patayin sila kapag hindi matuloy," sabi ng ama ni Tessie.
Tutol ang ilan sa mga bata sa tradisyon nilang Buya. Para makatakas, tinahak nila ang mahabang lakaran sa kabundukan para marating ang eskuwelahang itinayo ng grupo ng gurong si Solomon Olantao na Sulads Comprehensive High School for the Lumads sa Quezon, Bukidnon.
"Kaya ako pumunta rito, para malayo ako sa maagang pagpapakasal. Gusto ko kasing makatapos ng pag-aaral," sabi ng katutubong si Ep Fonok, 18-anyos.
"May lalaki kasing pumunta sa amin kaya lumayas ako sa amin. Tapos gusto ko kasing makatapos ng pag-aaral, hindi ko gustong mag-asawa," sabi naman ni Elma Angat, 17-anyos.
Ang Sulads Comprehensive High School for the Lumads ay nagsisilbi nang kanlungan ng mga batang runaway brides o tumakas mula sa ipinagkasundo sa kanilang kasal.
Si Elma na nag-aaral ngayon sa paaralan, tumakas noong 14-anyos siya nang piliting ipakasal sa kapitbahay na mas matanda sa kaniya.
Isinama niya ang kapatid niyang si Minda, para proteksyunan ang kanilang mga magulang at makatakas din sa maagang pag-aasawa.
"Sabi ng magulang ng lalaki, kapag hindi ka papayag, papatayin namin ang tatay mo. Natakot ako noon, mapapahiya raw kasi sila kapag hindi ko sinagot ang anak nila," sabi ni Elma.
Mayroon ding mga kaibigang babae si Elma na "runaway brides" na kasa-kasama niya sa iisang kubo.
Sa kasalukuyan, libreng nakapag-aaral ang mga runaway bride at tumitira sa mga kubo ng paaralan, sa tulong ng mga donasyon.
Para mapunta sa regular na paaralan o Grade 7, kailangan nilang makapasa sa Alternative Learning System (ALS) ng Department of Education (DepEd).
Maging ang gurong si Solomon ay tumakas din noon mula sa maagang pagpapakasal, at nakapagtapos ng kolehiyo.
"Kaming mga katutubong Lumad ay wala talagang opportunity na makapag-aral, imposible talaga. It's impossible for us na pumunta sa baba at mag-aral. Nagiging emosyonal ako kasi noong nakapagtapos ako, na-realize ko na education is for everyone," sabi ni Solomon.
Tunghayan sa "Runaway Child Brides - Ang Kuwento ng mga Tumakas sa Buya," ang kasiyahan ni Tessie nang magdesisyon na ang kaniyang ama na huwag nang ituloy ang maaga niyang pagpapakasal. --FRJ, GMA News