Maging mabuti tayong puno para ang makakakita ng ating mabubuting gawa ay maging mabuting bunga (Mateo 7:15-20).: "Hindi maaaring mamunga ng masama ang mabuting puno at hindi maaaring mamunga ng mabuti ang masamang puno.” (Mateo 17:17-18 – Magandang Balita Biblia).
MARAMI ang nagsasabi na ibang-iba na ang mga kabataan ngayon. Napakalayo kung ikukumpara sa mga kabataan noong araw. Sapagkat ang mga kabataan noon ay magagalang, pinong kumilos, hindi magaslaw, at mayroong takot sa Diyos.
Ngunit nakalulungkot isipin na malaki na talaga ang pinagkaiba ng mga kabataan noon at sa kasalukuyang panahon. Ang mga kabataan ngayon ay masyadong mapangahas, mapusok at tila walang kinatatakutan--kahit sa kanilang mga magulang.
Malakas ang loob nilang gawin ang nais nilang gawin. Tila hindi nila pinag-iisipan kung ano ang magiging bunga ng kanilang aksiyon. Gaya halimbawa ng pagpasok sa relasyon sa murang edad, pakikipagbarkada at pagbibisyo.
Kaya hindi na nakakapagtaka kung marami sa mga kabataan ngayon ang maagang napapariwara. May ilan na hindi nakapagtapos ng kanilang pag-aaral, nalululong sa bisyo, nasasangkot sa gulo, at maaaring nagkakaanak nang maaga.
Nakakapagtaka din kung bakit ganito ang kasalukuyang nangyayari sa ating mga kabataan. Gayong ang bansa natin ay isang bansang napakarelihiyoso. Hindi lamang sa pagiging Katoliko, kung hindi maging ng iba’t-ibang religious congregation.
Hindi naman lahat ng mga kabataan ay napapariwara at nagwawala. May ilan din naman ang aktibo sa mga gawaing Simbahan at komunidad. Mayroon pa rin pinipiling sumunod sa payo ng mga magulang.
Bukod sa kapaligiran at usapin sa sariling pamilya, ang isa sa mga itinuturong dahilan ng ilang eksperto kung bakit nagiging mapangahas ang maraming kabataan ay ang “social media o internet.” Maaga raw kasing nalalantad ang mga kabataan sa maraming bagay--mabuti man o masama-- at naiimpluwensiyahan sila sa mura nilang edad.
Sa mensahe ng Mabuting Balita (Mateo 7:15-20), winika ng ating Panginoong HesuKristo na: “Mabuti ang bunga ng mabuting puno at masama ang bunga ng masamang puno.”
Tama man o mali, aminin natin sa ating mga sarili na anuman ang makikita natin sa social media o sa internet ay maaari ding magbunga ng mabuti o masama. Idagdag pa diyan ang impluwensiya rin ng mga nakatatanda kung ano ang tinitingnan nila, pinapanood, o pino-post sa social media o internet, na maaari ding makita ng mga bata--katulad ng mga malalaswang larawan, babasahin o bidyo.
Kaya ang hamon ngayon sa atin ng Pagbasa ay magsilbi nawa tayong mabuting bunga upang magsilbi rin tayong mabuti at magandang halimbawa para sa ating kapwa. Ang mabuting bagay na makikita sa atin ang magbubunga ng mabuti sa mga taong tumitingala sa atin.
Anoman bagay na nakikita natin sa social media o internet ay maaari naman nating suriin at timbangin kung ito ba’y magbubunga ng masama mabuti para sa atin at sa iba. Kaya tayo biniyayaan ng Panginoon ng kakayahan na umunawa para malaman natin kung ano ang masama sa mabuti.
Bilang mga Kristiyano, magsilbi nawa tayong "ilaw" sa Sanlibutan upang sa pamamagitan ng ating liwanag ay maliwanagan din ang ating kapwa. Partikular na para sa mga kabataan na naliligaw ngayon ng landas. Akayain natin sila palayo sa "dilim" sa pamamagitan ng ating liwanag. (Mateo 5:14-16).
Maililigtas natin ang ating mga kabataan mula sa kinasasadlakan nilang dilim kung tayo mismo na mga nakakatanda ang magsisilbing ilaw nila upang sila ay makalabas sa kadilimang iyon.
MANALANGIN TAYO: Panginoon naming Diyos, mapagsikapan po sana namin na maging mabuting puno para sa mga kabataan at sa aming mga anak. Upang sila rin ay maging mabuting mga bunga. Tulungan Niyo po kami na makaiwas sa masasama para hindi kami maging masamang puno. AMEN.
--FRJ, GMA News