“Huwag kayong humatol nang kayo’y hindi hatulan. Sapagkat hahatulan kayo ng Diyos ayon sa paghatol ninyo sa iba. At susukatin kayo ayon sa panukat na ginagamit ninyo sa iba”. (Mateo 7:1-3).
NAALALA ko ang kaibigan ko dati na napakahilig bumarkada sa mga mayayaman o yung may pera. Lagi siyang nakadikit sa mga taong ito kahit saan sila magpunta. Ang pakiramdam niya, kapag nakadikit siya sa isang taong mapera ay mukha na in siyang mayaman.
Ang tingin niya sa mga mayayaman ay “perpekto” dahil ayon sa kaniya, nasa kanila na ang lahat ng mayroon dito sa ibabaw ng mundo. Kagaya ng salapi, magandang bahay, magarang sasakyan at iba.
Subalit nakalimutan ng aking kaibigan na walang tao na matatawag na perpekto--kahit ang mga mayaman. Sapagkat mayroong mga mayayaman na nakalubog pa rin sa mga problema. Maaaring mayaman at sagana sila sa materyal na bagay ngunit kapos sa kaligayahan.
Sa panahon natin ngayon, mas pinapahalagahan natin ang tumingin sa panlabas na anyo ng isang tao. Katulad ng aking kaibigan na mataas ang pagtingin sa mga mayayaman. Subalit mababa ang tingin niya sa mga mahihirap.
Kapag ang isang tao ay hindi kaaya-aya ang hitsura o kaya ay mahirap ang uri ng pamumuhay, kaagad natin silang huhusgahan na pobre at hampaslupa. Kapag hindi mataas ang grado nila sa paaralan, huhusgahan din natin sila agad na mahina o bobo.
Kung susuriin natin mabuti ang ating mga sarili, hindi ang mga taong hinuhusgahan natin ang may diperensiya at may kakulangan. Sa halip, tayo mismong mga mapanghusga ang may problema. Sapagkat nanghuhusga tayo base lamang sa ating nakikita.
Ang tinitingnan lamang natin ay ang panlabas nilang hitsura. Ngunit hindi natin nakikita ang nilalaman ng kanilang puso. Kaya kapag nakita natin ang isang tao na nakasuot ng magarang damit, ang tingin agad natin ay disente, mataas ang pinag-alaran at mayaman.
Ngunit kapag ang isang tao na nakita natin ay payak magbihis o hindi maayos ang pananamit, papasok agad sa isip natin na walang pera, dukyot, o manghihingi ng awa.
Pero ang paalala sa atin ng Panginoong HesuKristo sa Mabuting Balita (Mateo 7:1-5), na huwag natin husgahan ang ating kapwa batay lamang sa nakikita ng ating mga mata.
Sa halip tingnan at husgahan natin ang ating kapwa sa pamamagitan ng ating puso. Dahil ang hindi nakikita ng mata ay nararamdaman ng ating puso. Ito ay ang kabutihan o kagandahang-loob ng isang tao.
May ibang tao na mahilig na pumuna sa ibang at ang niya sa sarili ay lagi siyang tama o matuwid. Ngunit nakakalimutan nila ang nakasaad sa Pagbasa, na pinapansin nila ang puwing sa mata ng ating kapatid, habang hindi nila napapansin ang troso sa sarili nating mga mata. (Mateo 7:3).
Kakatwa ang inilarawan ng Pagbasa na “troso” sa ating mga mata. Ang ibig lamang nitong ipakahulugan na mas napapansin natin ang maliit na pagkukulang o kamalian ng ating kapwa. Samantalang ang mas malaki natin kapintasan ay hindi natin pinapansin o pinupuna.
Kung tayo’y mga totoong naniniwala at nananampalataya sa Panginoong Diyos, hindi natin dapat huhusgahan kaagad-agad ang ating kapwa. Sabi nga nila, bawal o 'wag kang judgmental.
MANALANGIN TAYO: Panginoon naming Diyos, turuan Mo po nawa kami na huwag basta humusga sa aming kapwa batay sa nakikita ng aming mga mata. Sa halip, makita sana namin ang kanilang mabubuting gawa sa pamamagitan ng aming mga puso. AMEN.
--FRJ, GMA News