Isa sa paboritong pagkain ng mga Pinoy ang itlog na maalat. Pero alam ba ninyo na kailangan itong ilublob sa putik para mapaalat?
Sa programang "Unang Hirit," pinuntahan ang isang gawaan ng itlog na maalat sa Laguna na pag-aari ni Josephine Dator.
Dito ay mayroong libu-libong itik na inaalagaan upang pagkunan ng ilog na ginagawang itlog na maalat.
Sa isang araw, umaabot umano sa 500 itlog ang nakukuha sa farm. Ang mga itlog, ilulublob muna sa pinaghalong asin, tubig at putik.
Pagkatapos ay ilalagay sa isang drum at patatagalin doon ng 12-15 araw para sa tinatawag na "curing" o pagpreserba.
Ayon kay Dator, mahalaga ang putik para kumapit ang pagpapaalat sa itlog.
Pagkaraan ng 15 araw, hahanguin ang itlog na itinubog sa putik para linisin. At pagkatapos ay sisilipin sa ilaw ang mga itlog upang alamin kung may "bulok" o may itim sa loob.
Hindi na isinama ang mga bulok at itinuturing na itong reject.
Ang mga pasadong itlog, ilalagay isang net at isasalang na sa lutuan para ilaga.
Pagkatapos ilaga, maaari nang kainin ang itlog na maalat, na pinili ni Dator na huwag kulayan ng pula gaya ng ginagawa ng iba.
Panoorin sa video ang aktuwal na proseso. --FRJ, GMA News