Ang dating lawa sa Valparaiso, Chile na pangunahing pinagkukunan ng tubig ng lungsod, unti-unting natuyot at namistulang disyerto na ngayon. Ang mga tinik ng isda ang nagsisilbing paalala na dating hitik sa tubig ang lugar.

Sa video ng GMA News Feed, sinabing mga tinik na lang ng isda ang makikita sa lawa na minsang nagsilbing water reservoir at pangunahing pinagkukunan ng tubig ng mga tao.

Nangangamatay na rin ang alagang hayop ng mga magsasaka, at dahil halos wala na raw silang nararanasang ulan.

Kung noon ay kaya raw sahurin ng lawa ang 38,000 Olympic-size swimming pool na dami ng tubig, ngayon, nasa dalawang pool na tubig na lang ang natitira.

Sa nakalipas na 13-taon, nakararanas na raw ng kakulangan ng ulan sa lugar na umaagos papunta sa naturang imbakan ng tubig.

Ang patuloy na pag-init ng klima ang isa sa mga itinuturong dahilan kaya naging madalang na ang pag-ulan at madaling malusaw ang snow sa kabundukan ng Andes.

At kung dati ay dadausdos ang nalulusaw na yelo sa Andres, pero dahil sa matinding init ay madali itong malusaw at diretso sa paglaho sa pamamagitan ng evaporation.

"We have to beg God to send us water," sabi ni Amanda Carrasco, 54-anyos na residente malapit sa Penuelas reservoir.

Naalala pa niya noong panahon na nangingisda sila sa lawa at marami silang nahuhuli.

"I've never seen it like this. There's been less water before, but not like now," dagdag niya.

Kailangang-kailangan umano ng imbakan ng tubig ulan, ayon kay Jose Luis Murillo, general manager ng ESVAL, ang kompanyang nagsu-supply ng tubig sa Valparaiso.

"Basically what we have is just a puddle," saad niya. Umaasa raw ngayon ang lungsod sa mga ilog para sa tubig. "This is especially significant if you think that several decades ago the Penuelas reservoir was the only source of water for all greater Valparaiso."

Apektado rin ng tagtuyod ang ibang negosyo tulad ng agrikultura at pagmimina.

Batay sa pag-aaral ng mga mananaliksik sa University of Chile, posibleng mabawasan pa ng 30% ang water supply sa kanilang bansa sa susunod na 30 taon.

Lumalabas din sa isang pag-aaral na posibleng maibsan ang patinding tagtuyot sa Chile kung magbabago ang antas ng human emission na nakakaapekto sa klima. --FRJ, GMA News