Marami ang naantig sa kalagayan ng 14-anyos na binatilyo sa Antique na puno ng sugat ang mukha at katawan dahil sa kondisyon ng kaniyang balat. Halos isang buwan makaraang maratay sa ospital, malaki na ang pagbabago sa kaniyang kalagayan.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," binalikan ang pagsumamo ng OFW sa Singapore na si Daylyn, para tulungan ang kaniyang anak na si Daxen, na nasa Tobias Fornier, Antique.
Dahil sa matinding sakit sa balat ni Daxen, nagtutuyo at nagsusugat ang kaniyang balat, mula sa ulo hanggang paa.
Hindi rin nakatutulog nang maayos si Daxen dahil nababanat na ang talukap ng kaniyang mga mata kaya lagi siyang nakadilat.
Nang unang maitampok ang kuwento ni Daxen, sumama ang kaniyang pakiramdam at nahirapan siyang huminga. Kaya nagtulong-tulong na ang kaniyang mga kapitbahay at mga kaanak upang buhatin siya gamit ang kawayan para maibaba siya ng bundok at madala sa ospital.
Marami ang tumugon sa panawagan na tulungan si Daxen para magamot sa ospital. Matapos ang halos isang buwan, nagsimula nang maghilom ang mga sugat ng binatilyo.
"Nakakatulog na ako nang maayos. Tapos hindi na masakit 'yung mata ko," saad niya. "Minsan nagpa-practice na rin akong lumakad para makabilis makauwi."
Unang pinaghinalaan na mayroong Ichthyosis si Daxen. Pero matapos ang iba pang test, lumitaw na mayroon siyang Toxic Epidermal Necrolysis, kung saan nagre-react ang kaniyang katawan sa partikular na gamot.
"Sa history ni Daxen meron siyang seizure disorder and then he was started on an anti-epileptic drug which was phenobarbital. So 'yan ang isa naming tinitingnan na baka nag-cause ng lahat ng ito," paliwanag ni Dr. Cynthia Gallinero, isang allergist at immunologist.
Kailangan pa umanong manatili ni Daxen sa ospital ng isa o dalawa pang linggo para makompleto ang kaniyang gamutan at follow-up checkups sa kaniyang mga duktor.
"Kung wala sa mga tulong ng viewers ng show, si Daxen mamamatay siya," sabi ng ina ni Daxen.
"Akala ko dati hindi na ako tatagal. Ngayon milagro. Nagpapasalamat ako kay Lord dahil pinagaling Niya ako. Nagpapasalamat ako kasi malaking tulong 'yun kasi nadugtungan 'yung buhay ko," ani Daxen.
Ang tiyahin na si Teresa ang nag-aalaga kay Daxen dahil nagtatrabahong kasambahay sa Singapore ang kaniyang ina na si Daylyn.
Nang lumubha ang kalagayan ng anak, walang magawa si Daylyn kung hindi umiyak. Hindi rin naman kasi makauwi dahil kailangan niyang kumayod upang matustusan ang pangangailangan ng pamilya. Hiwalay na rin sila ang kaniyang asawa.
"Pag tumunog ang cellphone mo, maiisip mo na siguro may masamang balita. Baka pag-uwi ko, hindi ko na siya mayayakap," sabi niya.
Nagmagandang-loob ang mga amo ni Daylyn na ibili siya ng plane ticket para makauwi ng Pilipinas upang makita ang kaniyang anak.
"Nag-uumapaw na saya sa puso ko dahil ito talaga ang hiling ko na makauwi para makita si Daxen. Yayakapin ko at saka hahalikan. Sobrang miss ko na po siya," pahayag ni Daylyn.
At matapos ang matagal na panahon na nagkawalay at pag-aalala sa kalagayan ng anak, makakapiling na muli ni Daylyn si Daxen.
Tunghayan ang nakaaantig na tagpo sa muling pagkikita ng mag-ina sa video na ito ng "KMJS."
Samantala, sa mga nais pang tumulong kay Daxen, maaaring magdeposito sa bangko sa ibaba. Kakailanganin pa niya ang tulong dahil sa mahal na gastusin sa kaniyang pagpapagamot.
Bank of the Philippine Islands (BPI)
Account Number: 2339 1282 54
Account Name: Christopher Sacquior Eiman
—FRJ, GMA News