Pigaan lang ng kalamsi, puwede na ring pang-ulam ang paboritong sawsawan ng marami--ang bagoong Balayan ng Batangas. Alamin ang tradisyonal na paggawa nito gamit ang tapayan.

Maraming klase ng bagoong ang mabibili sa merkado. Pero tatatak sa panlasa ng mga mahilig sa sawsawan ang gawa sa Balayan, na madalas i-partner sa manggang hilaw, mga inihaw o pritong ulam.

Naging produkto ng mga taga-Balayan ang naturang bagoong dahil na hitik sa isda ang Balayan Bay, na pangunahing sangkap sa paggawa ng bagoong.

Umaga pa lang, naghihintay na ang mga tao sa pagdating mula sa laot ng mga mangingisda upang bumili ng mga nahuling isda.

Pero ayon sa isang episode ng "Good News," sa ngayon, nasa 10 na lang ang gumagawa ng bagoong Balayan— at iilan na lang sa kanila ang gumagawa nito sa tradisyon na paraan gaya ng paggamit ng tapayan o malaking banga.

Kabilang dito si Tatay Herme, isa sa mga pinakamatagal nang gumagawa ng bagoong Balayan. Hanggang ngayon, nananatili na hindi pang maramihan ang kaniyang produksiyon kaya naman talagang alagang-alaga niya ang paggawa ng naturang sawsawan.

Ayon kay Tatay Herme, ang ibang gumagawa ng bagoong sa kanilang lugar ay mga platic drum na ang ginagamit para marami ang magawa.

Pero siya, ang mga tapayan na minana pa niya sa mga magulang ang patuloy na pinaglalagyan ng mga isdang pinapakatas para maging bagoong.

Ipinakita ni Tatay Herme ang paggawa niya ng bagoong. Una ang pagbili ng isda na kaniyang hinuhugasan na mabuti para maalis ang dugo.

Maaari umanong gumamit ng isdang dilis, galunggong, o malansi. Pero kung may kalakihan ang isda gaya ng malansi, kailangan pa niya itong dikdikin gamit ang kahoy na pamukpok para madurog ang laman at tinik.

Inilalagay niya sa batya ang mga isda at nilalagyan ng asin para hindi magtalsikan kapag binayo upang durugin. Matapos na madurog ang isda, hahaluin niya muli ang mga ito at lalagyan ng asin.

Kapag natapos na sa paghalo, ilalagay na ang mga isda sa tapayan para kumatas. Kung mainit ang panahon, nasa limang buwan tatagal sa tapayan ang isda. Kung hindi naman masyadong mainit ang panahon, hanggang anim na buwan.

Mas mabilis umano [dalawang buwan] na kumatas ang isda na nasa tapayan kaysa sa mga inilalagay sa plastic drum. Iyon nga lang, mas marami ang mailalagay siyempre sa plastic drum.

At kapag kumatas na ang isda, maaari na itong salain at ilagay sa bote para ibenta. Ang presyo ng bawat bote ng bagoong Balayan ni Tatay Herme, P15 lang.

Panoorin ang video ang alamin din ang makulay na kasaysayan ng Balayan na sinaunang bersiyon ng Batangas. — FRJ, GMA News