Hindi lang sa hardcourt halimaw ang batang si Kekel, dahil maging sa dance floor kaya niya ring humataw lalo na sa dance challenge na Jumbo Hotdog (Kaya Mo Ba 'To?).

Mula sa Sta. Cruz, Manila ang binansagang "Notorious Jumbo Hotdog" na si Kekel Muring. At paborito niyang kainin siyempre-- ang jumbo hotdog.

Para makapag-ehersisyo sa dami ng kaniyang kinakain, bukod sa paglalaro ng basketball ay nakahiligan na rin niya ang pagsasayaw dahil nakapapayat daw ito kahit na "konti."

Sa mga video niya sa Facebook live, makikita na may ibubuga talaga si Kekel sa pagsasayaw. At kapag tumugtog na ang "Jumbo Hotdog," tiyak na mapapasabay ang mga tao sa kaniya.

Ayon kay Kekel, kung minsan, may mga natutuwa sa kaniya sa FB live at may nagpapadala sa kaniya sa GCash ng mula P150 hanggang P1,500.

Pero kung may mga naaaliw, may mga nang-aasar at nanghahamak din kay Kekel.

"Ang ang taba mo, ang itim mo, yung batok mo choko, ang baho mo. Ayoko ko po ng ganun siyempre nasasaktan ako," anang nanay ni Kekel na si Jackie Lou.

Para kay Jackie Lou, biyaya para sa kaniya si Kekel, at kinaya niya ang lahat ng hirap sa buhay para sa anak. 

Sinabi ni Kekel na hindi niya na pinapansin ang mga nanlalait sa kaniya at tuloy lang siya sa pagpapasaya sa pamamagitan ng kaniyang pagsayaw.

Pero bukod sa "Notorious Jumbo Hotdog" na si Kekel, may iba pang kumasa sa jumbo hotdog dance challenge. Kabilang diyan ang mga pulis, at mayroon din isang lalaki na nakapalda pa kung gumiling in public.

Alam kaya ng tatay ng lalaking nagpapalda ang kaniyang ginagawa? Papaano kaya kung malaman ng kaniyang erpat? Panoorin ang buong kuwento sa video ng "Kapuso Mo, Jessica Soho." --FRJ, GMA News