High school student pa lang ay ginawa na raw tubig ng isang 26-anyos na dalaga na ngayon ang softdrinks at sinamahan pa niya ng tsitsirya. Hanggang sa nakaranas na siya ng pananakit sa likod at hirap sa pag-ihi.

Sa programang "Pinoy MD," ikinuwento ni Cielo Baccay, ang mga pangyayari bago siya inoperahan kung saan may nakuha sa kaniyang malalaking kidney stones.

Sa kaniyang edad, isa na lang ang kidney ni  Cielo at kailangan na rin niyang magpa-dialysis.

Dati raw ay may nararamdaman siyang sintomas ng sakit sa bato tulad ng pananakit ng likod, hirap at may mahapdi kapag umihi, nagmamanas at pabalik-balik ang lagnat.

Nasa high school pa lang ay mahilig na raw siya sa softdrinks na parang ginawa na niya tubig at sinasamahan pa ng tsitsirya araw-araw.

Hanggang sa nakaramdaman ng hirap at sakit kapag umihi noong taong 2020.Nagkaroon din siya ng lagnat at pananakit ng lower back.

Gayunman, tiniis niya ang mga nararamdaman na ito sa loob ng dalawang taon. Hanggang sa nitong nakaraang Enero, nagpasuri na siya at doon na nalaman na mayroon siyang kidney stones.

Ang itinuturong dahilan umano nito ay ang sobrang hilig niya sa softdriks at tsitsirya.

"Nung nakita ko yung resulta ng kidney stones na ganung kalaki, sobrang nanlumo po ako. Kasi sa mga pagkain na masasarap hindi ko akalain na magkakaroon ako ng ganung kalaking stone," pahayag niya.

Pero bakit na nga ba nagkakaroon ng bato sa bato o kidney stones dahil sa sobrang pagkain ng tsitsirya na maaalat at pag-inom ng softdrinks na matamis?

Panoorin sa video ang buong kuwento at alamin kung papaano makakaiwas sa sakit na ito, at ano ang mga tama at maling haka-haka tungkol sa bato.

--FRJ, GMA News