Sa isla ng Caramoan sa Camarines Sur, isang lagoon ang nakakubli sa matutulis at matitirik na bato. Kasama nitong nakakubli ang sinasabing mahiwagang isda na hindi dapat hulihin at kainin dahil buhay ang magiging kapalit.

Ibinahagi sa programang "iJuander" ng vloger na si Michael Manalastas, ang ginawa niyang paglalakbay sa misteryosong lagoon na tinatawag na "Matukad."

Buwis-buhay ang pagpunta sa lagoon dahil kailangan munang akyatin ang matataas at matutulis na rock formation.

Ayon sa kuwento ng mga residente sa lugar, bigla na lang daw sumulpot ang naturang lagoon na napapalibutan ng mga bato.

Nakadagdag pa sa misteryo ng lagoon ang pagkakaroon nito ng ilang isda na tila mga bangus.

Paniwala ng mga nakatatanda, ang mga isda ay alaga ng diwata, na siyang nagbabantay mismo sa lagoon.

Sinabi ni Michael, na nang marating niya ang lagoon, pinagbawalan siyang magtuturo ng kasama nilang bangkero sa lugar.

At dahil sa kagustuhan niyang makita nang malapitan ang sinasabing misteryosong mga isda na naninirahan sa lagoon, lumapit pa siya sa lagoon.

Ngunit hindi na siya nangahas na suwayin ang utos ng kanilang bangkero na huwag lulusong o lalapit pa sa isda.

"Sabi nga, wala namang mawawala kung maniniwala tayo sa mga matatanda," pahayag niya.

Kinatatakutan ang paghuli ng isda sa lagoon dahil na rin sa mga kumalat na kuwento tungkol sa mag-anak na napahamak umano nang may isang mangingisda na humuli ng isda sa lagoon at ipinakain sa kaniyang pamilya.

Mayroon bersiyon na nagsasabing namatay ang buong pamilya, mayroon naman na asawa ang namatay, at may nagsasabi na anak ang naging kapalit ng paghuli at pagkain sa isda sa lagoon.

Ang naturang kuwento ng kapahamakan, hindi pala kathang-isip. Tunay itong nangyari at buhay pa ang ginang ng mangingisdang nanghuli ng isda sa lagoon at ipinakain sa pamilya.

Kuwento ng ginang, sadyang malaki kaysa sa karaniwang bangus ang isdang nahuli ng kaniyang asawa, limang dekada na ang nakararaan.

Sa laki nito, ipinamahagi pa raw nila ang isda sa kanilang kapitbahay. Kakaiba rin daw ang histura ng loob ng katawan ng isda, at maging ang lasa nito na tila karne.

Pero ilang araw lang makalipas nilang kainin ang isda, doon na naganap ang trahediya sa kanilang pamilya.

Ano nga ba ang tunay na kuwento sa pamilyang kumain ng isda sa sinasabing mahiwagang Matukad lagoon? At ano ang isdang naninirahan dito? Alamin ang sagot sa video na ito ng "iJuander." —FRJ, GMA News