Kahit matanda at mahina na, patuloy na kumakayod ang 70-anyos na lolo sa pamamagitan ng naglalako ng mga itlog gamit ang lumang bisikleta. Ang malungkot, minsan ay naloloko pa siya at naholdap pa.

Sa programang "Reporter's Notebook," makikita si Lolo Romeo Pagapulaan na naglalako ng paninda niyang itlog gamit ang bisikleta na hindi na niya maipadyak sa Project 8, Quezon City.

Alas-singko pa lang ng umaga, naglalako na si Lolo Romeo, ayon sa tindera ng mga itlog sa Novaliches na si Rechellyn Aquino.

Dating nagtitinda ng gulay si Lolo Romeo bago siya napunta sa paglalako ng itlog. Ang bisikleta na kaniyang gamit, napanalunan lang niya sa raffle, dalawang dekada na ang nakararaan.

Mula sa talipapa, dahan-dahan na bumibiyahe si Lolo Romeo sa kahabaan ng Quirino Highway para matiyak na hindi mahuhulog ang 12 tray ng itlog.

Mabibili niya sa halagang P158 ang isang tray ng itlog sa bagsakan, at naibebenta niya sa halagang P200.

Kumita si Lolo Romeo ng P504 sa una niyang biyahe, na gagamitin daw niya na pambayad ng bahay at ilaw.

Tubong Cagayan de Oro si Lolo Romeo. Taong 1972 nang lumuwas siya sa Maynila. Wala siyang kapatid o asawa at anak.

Mag-isa siyang nangungupahan kaya hindi siya maaaring tumigil sa paghahanap-buhay para matustusan ang kaniyang mga pangangailangan.

"Hindi bale akong mamatay sa sakit, huwag lang mamatay sa saksak. Basta magtrabaho lang ako nang mahusay, ayos na," anang senior citizen.

May natatanggap namang pension si Lolo Romeo na P2,000 mula sa SSS na nakuha matapos ang dalawang taong pagtatrabaho sa isang kumpanya ng softdrinks.

Pero ayon kay Lolo Romeo, kulang pa rin ang kaniyang pension, dahil P2,400 sa kabuuan ang binabayad niya sa renta sa bahay, kuryente at pagkain.

Binalikan naman ni Lolo Romeo ang ginawang pangho-holdap sa kaniya noong Disyembre ng nakaraang taon.

"Kinuha niya, P10,000. 'Huwag niyo kunin sir, ire-remit ko pa 'yan.' Ayaw talaga, kinuha talaga niya," anang matanda.

Ang kalahati ay naipon ni Lolo Romeo sa pagtitinda, samantalang ang isa pang kalahati ay inutang pa niya sa may-ari ng tindahan ng mga itlog.

"Pagod na pagod na ako tapos nanakawan mo pa ako," mensahe ng matanda sa magnanakaw.

Dahil sa insidente, nakatanggap ng tulong si Lolo Romeo mula sa mga mapagmalasakit na citizens.

"Nagsusumbong siya na naloko raw siya. Vinideo namin na baka sakali na in-upload namin, ma-aware 'yung mga tao na hindi na dapat gumagawa ng ganoong kalokohan lalo na sa mga maaayos na magtrabaho," sabi ni Silvia Geroue.

Nakatanggap si Lolo Romeo ng cash assistance, groceries, cellphone at nagsagawa pa ng fund-raising project para sa kaniya.

Ipinasuri rin siya sa klinika si Lolo Romeo at sa kabutihang palad ay walang nakitang sakit sa kaniya.

Tunghayan ang kaniyang kuwento sa video. --FRJ, GMA News