Pasan ang mga aning gulay na nasa kaing, buwis-buhay na tumatawid sa gilid ng bundok ang mga Igorot sa Bashoy, Kabayan, Benguet, para maibenta ang produkto.
Sa episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabing dumadaan ang mga magsasaka sa gilid ng bundok ng “Kidungan”.
Sa kitid ng kanilang dinadaanan, halos isang paa lang kasya at kailangang ihakbang na agad ang kabilang paa para makausad.
Kung magkakamali ng hakbang, maaari silang mahulog sa bangin na hanggang 100 metro ang taas.
Mga sibuyas, kamatis, carrot, sili, at cauliflowers ang ilan sa mga itinatanim ng mga magsasaka. Sa panahon ng anihan. dumadaan sila sa Kidungan.
“Talagang natatakot ako pero talagang may tiwala ako sa Diyos na habang dumadaan doon, ginagabayan ako para hindi ako mahulog,” ayon kay Florentino, 62-anyos.
“Minsan nahihilo at nalulula ako 'pag dumadaan. Tumitigil ako sa paglalakad tapos kapag okay na ulit, tuloy na naman,” patuloy niya. “Pinatitibay ko lang ’yung loob ko. Kung susuko ako, malalaglag talaga ako dun.”
Natutunan na raw nina Florentino kung papano magbalanse kapag dumadaan sa Kidungan upang hindi maaksidente.
Ang mga kababaihan ang kadalasang naghahango ng mga gulay, at ang mga lalaki naman ang magbubuhat patungo sa ibaba ng kabundukan.
Pero si Juvith, sumasama sa mga lalaki sa pagbuhat ng mga gulay.
“Dito lang kami kumikita. Wala kaming ibang pagkikitaan,” saad niya.
Si Michael, 19-anyos, nag-aaral pero nagtatrabaho sa bukid sa bundok kapag walang pasok.
Pero kahit itinataya nila ang buhay para sa gulay, may pagkakataon na hindi pa nabibili ang kanilang ani.
Ayon sa mga magsasaka, dating may ligtas na daanan sa bundok pero naglaho na ito matapos ang sunod-sunod na landslide mula noong 2000.
Ang mister ni Juvith na si Miguel ang namahala sa paggawa ng bago nilang daanan.
“Titibayan ko kasi buhay namin mga nakasalalay. Hindi ko ipapahamak mga kasama ko,” sabi niya.
Nanawagan sila sa kanilang mga opisyal na sana ay nagawan sila ng ligtas na daanan.
“Sana makapaglaan sila ng mga footbridge na magagamit para ma-travel namin ‘yung mga gulay,” ani Michael.
Nagtungo ang engineering department ng lokal na pamahalaan para masuri ang lugar.
Nangako si Engr. Euler Daoal, municipal engineer ng Kabayan, Benguet, na hahanap sila ng mapagkukunan ng pondo para magawa ang ligtas na alternatibong daanan.
“Subukan nating pondohan ng munisipyo. Kung hindi munisipyo, sa provincial o sa national,” saad niya.
– FRJ, GMA News