Hindi inaasahan ng 19-anyos na babae na ang simpleng pananakit ng kaniyang ngipin noon ay mauuwi sa pagkakaroon ng bukol sa kaniyang pisngi, at malalang kondisyon. Alamin ang dahilan nito na unang inakalang sanhi ng impacted wisdom tooth.

Sa programang "Pinoy MD," ipinaliwanag ni Dr. Maureen Manzano, isang dentista, na ang wisdom tooth ay ang huling apat na ngipin na tumutubo sa magkabilang dulo ng lower at upper teeth.

Lumalabas daw ang wisdom tooth pagsapit ng edad 17 hanggang 21.

Dahil huling ngipin na tumutubo, nawawalan na kung minsan ng sapat na espasyo ang wisdom tooth na tumubo nang maayos o pataas.

Ang ibang wisdom, pahiga o palihis ang tubo na tinatawag na impacted wisdom tooth. Kung minsan, nasisiksik nila ang ibang hilera ng ngipin kaya nagdudulot ng pananakit.

Kung nagiging sanhi ng pananakit ang impacted wisdom tooth, sinabi ni Manzano na kailangan itong alisin.

Sa kaso ng 19-anyos na si Angel Macompal, ng Quezon, nakaramdam din siya ng pananakit ng ngipin at pamamaga.

Nang magpasuri sa dentista, sinabing mayroon siyang impacted wisdom tooth.

Kuwento ng kaniyang ina na si Rachel, hindi muna pinaalis ng anak ang impacted wisdom tooth. Uminom muna siya ng antibiotic para mawala ang pamamaga.

Pero sa halip na mawala ang pamamaga, lalo pa itong lumaki hanggang sa maging bukol na.

Dito na ipinaalis ni Angel ang impacted wisdom tooth. Pero nang suriin at ipa-boipsy ang parte nang inalis sa dalaga, lumitaw na mayroon stage 4 bone cancer siya o mesenchymal chondrosarcoma.

Pero paglilinaw ni Manzano, walang kinalaman ang impacted wisdom tooth sa pagkakaroon ng bone cancer.

Ano nga ba ang nangyari sa kaso ni Angel at ano ang mga dapat na gawing pag-iingat kung mayroong impacted wisdom tooth? Tunghayan ang buong pagtalakay sa video ng "Pinoy MD."

--FRJ, GMA News