Marami ang ginagawang "alarm" clock ang mga manok dahil tumitilaok ang mga ito sa umaga. Pero bakit nga ba sila tumitilaok at paano nila nalalaman ang oras?

Ipinaliwanag sa #KuyaKimAnoNa ng GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, na batay sa pag-aaral ng mga eksperto, may "internal clock" ang mga manok kaya alam nila kapag umaga na.

Ito rin ang nagsisilbing hudyat para maghanap sila ng pagkain.

Ang pagtilaok naman ay ginagawa nila para sabihin sa iba na sila ang hari sa kanilang teritoryo.

Sinabi rin ni Kuya Kim na ang larong sabong ng mga manok ay libangan na umano ng mga Pinoy bago pa man dumating ang mga Kastila.

At ang itinuturing pinakamatandang sabungan sa Pilipinas ay nasa La Loma na itinayo noong 1903.

At bago raw nakilala ang La Loma sa lechon baboy, una raw itong nakilala sa lechon manok na ang iniihaw ay ang mga natalo sa sabong. --FRJ, GMA News