Ano ba ang mas mahalaga para sa atin, ang kabutihan na ginagawa para sa ating kapuwa o ang mag-abang sa pagkakamali ng ibang tao? (Marcos 3:1-6)
ANO ang gagawin mo kung mayroon kang kasama sa bahay o sa trabaho na walang ginawa kundi ang magmasid at bantayan ka na magkamali at nang may maisusumbong siya laban sa'yo?
Paano mo tatratuhin ang isang tao na walang pagpapahalaga kahit pa may ginagawa kang mabuti sa kapuwa? Basta ang mahalaga sa kaniya ay magkamali ka.
Ang ganitong uri ng tao ay walang pinagkaiba sa mga taong matitigas ang puso at makikitid ang isip. Tulad sila ng mga Pariseo na walang ibang ginawa kundi ang bantayan na lamang si Hesus at hintayin na Siya na magkamali para maroon silang maiparatang laban sa Kaniya.
Marahil ay napakahirap ng kalagayan ng ating Panginoong HesuKristo na sa kabila ng mga ginagawa niyang kabutihan para sa kapakanan at kagalingan ng mga tao, pero para sa mga Pariseo ay masama pa rin iyon.
Ganito ang ating mababasa sa Mabuting Balita (Marcos 3:1-6) matapos pagalingin ni Hesus ang isang lalaking paralisado ang isang kamay. Ginawa Niya ang panggagamot nang pumasok Siya sa Sinagoga sa Araw ng Pamamahinga o araw ng Sabbath. (Mk. 3:1)
Pinagmasdan Siyang mabuti ng ilang tao na nasa loob ng Sinagoga. Partikukar na ang mga Pariseo at binabantayan nila si Hesus upang tingnan kung pagagalingin Niya ang taong may kapansanan kahit sa araw ng pamamahinga.
Mahigpit kasing ipinagbabawal sa batas ng mga Judio ang pagtatrabaho sa araw ng pamamahinga. Ang batas na ito ay mahigpit nilang sinusunod.
Gayunman, tinanong ni Hesus ang mga taong nasa loob ng Sinagoga kung alin ba ang naaayon sa kautusan: Ang gumawa ng mabuti o ang gumawa ng masama sa araw ng pamamahinga? (Mk. 3:3-4).
Walang naisagot ang mga taong ito kay Hesus.
Hindi naman talaga nakatutuwa kung may makakasalamuha kang tao na wala nang hinintay kundi ang makagawa ka ng pagkakamali, kahit sa tingin mo ay tama naman ang iyong ginawa.
Gaya ng Panginoong Hesus sa ating Pagbasa na patuloy na sinusubok, tinitiktikan at sinusundan ng mga Pariseo hanggang sa Sinagoga para lamang maghanap ng maipupuna sa Kaniya.
Gayunman, hindi natinag si Hesus sa pagpapatuloy ng Kaniyang Misyon. Sa kabila ng masamang hangarin ng mga Pariseo, ipinagpatuloy pa rin Niya ang Kaniyang Ministeryo at hindi Siya nasiraan ng loob.
Sapagkat kung magpapadala Siya sa galit at pagkainis sa mga Pariseo, maaaring makasagabal lamang iyon sa Kaniyang misyon na sagipin ang sangkatauhan sa kasalanan.
Sa ating kasalukuyang panahon, hindi pa rin siguro nawawala ang mga taong may ugaling Pariseo sa ating paligid. Gayunman, tularan natin sa Hesus na hindi nagpaapekto sa kanila.
Patuloy tayong gumawa ng mabuti sa ating kapuwa, sa anumang panahon, anumang araw, at kahit ano pa man ang isipin ng iba.
MANALANGIN TAYO: Panginoon, nawa'y matutunan namin ang magalak sa mga mabubuting bagay na ginagawa ng aming kapuwa. Huwag po sana kaming maging maramot gaya ng ipinakita ng mga Pariseo sa Pagbasa. AMEN.
--FRJ, GMA News