Sa murang edad, tumatayo na bilang padre de pamilya ang isang 12-anyos na lalaki sa kaniyang ina at mga kapatid. Umaakyat siya nagtataasang puno ng niyog para manguha ng tuba at ibebenta sa Bais City, Negros Oriental. Bakit nga ba siya humantong sa ganitong sitwasyon at nagdesisyong magtrabaho nang maaga?
Sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing si "Allan," hindi niya tunay na pangalan, ang pinakabatang magtutuba sa naturang siyudad.
Umaabot ng 40 talampakan ang mga puno ng niyog na inaakyat ni Allan, bitbit ang kaniyang sanggot o itak na nakatali sa kaniyang baywang.
Pag-akyat sa itaas, sumisipol-sipol si Allan habang tinatawid ang mga palwa o sanga para mawala ang kaniyang kaba, bago maingat na tatagpasin ang bulok o murang sanga saka isasahod ang katas sa galon.
Tuba na rin ang kaniyang panawid-uhaw habang nasa itaas ng puno, bago maingat na bababa gamit ang isang kamay.
Mula sa bundok, isa hanggang dalawang oras na maglalakad si Allan papuntang bayan para ibenta ang nakuhang tuba. Gagamitin ni Allan ang pera pambili ng bigas.
Panganay si Allan sa tatlong magkakapatid, at nakatira sa maliit na kubo kasama ang ina na si "Lina," hindi rin tunay na pangalan.
Ayon kay Lina, taong 2018 nang mag-away sila ng kaniyang mister dahil sa pera.
"Umabot na sa punto na nagkapisikalan na kami. Natakot ako kasi limang buwan akong buntis," kuwento ni Lina.
"Nagalit ako dahil sinuntok niya si Mama," sabi ni Allan tungkol sa kaniyang tatay.
Dahil dito, nakitira na lang si Lina sa kaniyang ama. Samantala, hindi nagawa umano ng kaniyang asawa na makapagbigay ng tulong-pinansiyal nang siya'y manganak, at ang siyam na taong gulang noon na si Allan ang nagsilbing tagabantay ng kaniyang mga kapatid.
Hanggang sa biglang nangisay ang anim na buwang gulang nilang bunso noon dahil sa cerebral ischemia, kung saan tumagilid ang paglakad at nagkadiperensiya ang paningin nito.
Hindi magawang iwan ni Lina ang bunso niyang maysakit, kaya nagtatanim at nagtitinda siya ng kamote para makaraos.
Dito na nagboluntaryo si Allan na tumulong sa ina sa pamamagitan ng pagtutuba.
"Noong inatake ang anak ko, doon siya (Allan) natakot. Ang sabi niya 'Mas mabuti pang siya na ang magtrabaho at ako ang mag-aalaga sa kaniyang kapatid,'" sabi ni Lina na sinabi umano sa kaniya ni Allan.
"Gusto kong tumulong sa kaniya dahil mahal namin siya. Iniwan kami ni Papa. Pag-alis niya, ako na ang nagtrabaho. Para na akong tatay dahil binubuhay ko sila Mama," sabi ni Allan.
May ilang pagkakataon ding natamaan ng itak at nasugatan si Allan sa kaniyang pagtutuba.
Tunghayan sa video ang paliwanag ng Department of Labor and Employment tungkol sa child labor, at ang hakbang ng lokal na pamahalaan ng Bais City at ng Kapuso Mo, Jessica Soho para makaraos ang pamilya nina Lina at Allan. —VBL, GMA News