Kilalang matapang at nagmula sa Tondo, Maynila si Andres Bonifacio. Pero ano pa nga ba ang mga katangiang taglay ng kinikilalang supremo ng Katipunan?

Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News "Unang Hirit" nitong Martes, sinabing nakaranas ng hirap sa buhay si Bonifacio.

Pero nagsikap siya at nagtrabahong bodegero at tindero ng baston at abaniko, at na-promote pa siya noon.

Sa isang larawan ni Bonifacio, makikita na nakasuot siya ng coat and tie siya.

Mahilig din umanong magbasa ng libro si Bonifacio tulad ng Les Miserables at The Wandering Jew.

Mahilig din siyang magsulat, at isa sa mga sikat niyang tula ang Pag-ibig sa Tinubuang Lupa, na repleksiyon ng masidhi niyang pagmamahal sa bayan.

Pero hindi tulad ni Jose Rizal na ginugunita sa araw ng kaniyang pagkamatay, ang araw ni Bonifacio ay ginugunita sa araw ng kaniyang pagsilang dahil kontrobersiyal ang sanhi ng kaniyang kamatayan sa kamay ng kapuwa mga Filipino. --FRJ, GMA News