Gamit ang isang kamay at limang lapis o ballpen na itinali sa patpat, kayang iguhit ng isang 20-anyos na lalaki ang limang magkakaibang mukha nang sabay-sabay.
Sa programang "Dapat Alam Mo," ikinuwento ni Junel Salido ng Agusan del Sur, na natutunan lang niya sa online ang kakaibang taktika ng pagguhit ng portrait.
Kuwento niya, mayroon siyang napanood na artist na nakakaguhit ng dalawang portrait nang sabay.
Pero ang ginawa ni Salido, hinigitan niya ito sa pamamagitan ng panonood ng tutorial video sa internet hanggang sa matutunan niya na ang gumuhit ng tatlo hanggang limang mukha na magkakaiba nang sabay-sabay.
Pag-amin pa ni Junel, noong una ay hindi raw siya mahusay gumuhit ng portrait at ayaw niyang mag-drawing ng mukha.
Pero sa gabay ng mga nagturo sa kaniya, unti-unti na niyang nagustuhan ang paggawa ng portrait.
Kung dati ay wala raw pumapasin sa mga portrait na ipino-post niya sa social media, ngayon ay hindi na mula nang maipakita niya ang kakaiba niyang talento sa pagguhit ng mga larawan nang sabay-sabay.
Kumikita raw si Junel ng P300 hanggang P1,200 sa bawat portrait na kaniyang naibebenta niya, na nagagamit niya sa kaniyang pag-aaral.
Pero papaano nga ba niya ito nagawa? Panoorin ang tips ni Junel sa video ng "Dapat Alam Mo."
--FRJ, GMA News