Dahil may kaugnayan sa mga patay, madalas na kinatatakutan ng maraming tao ang mga kabaong. Pero ang isang ina sa Angeles City, Pampanga, ginawang hanapbuhay ang pagbaklas at pagkalakal sa mga ito.
Sa ulat na "Buhay sa Patay" ni Saleema Refran sa "Brigada," mapapanood ang video ng makeup artist na si Richard Strandz sa ginagawang pangongolekta at pagbaklas ni Lisel Nacpil ng mga lumang ataul.
Ang mga ataul, pinaglalagyan daw ng mga bangkay na hindi na nababayaran ang upa sa sementeryo o wala nang dumalaw ng ilang taon.
Ayon kay Nacpil, umaabot ng P300 ang pangangalakal niya ng isang kabaong. Ginagamit daw niya ang kaniyang kinikita para mapakain ang walong anak at dalawang pamangkin.
Sa pagbaklas ni Nacpil ng mga kabaong, inamin niyang may kakaiba siyang nararamdaman kung minsan.
"Dumarating din minsan natatakot ako na 'Parang hindi tayo nag-iisa rito... Bago namin babaklasin 'yung kabaong, minsan kinakausap muna namin, sabi 'Pasensya na po. Kaysa matapon lang 'to, at least mapakinabangan po namin,'" pakiusap daw ni Nacpil sa mga may-ari ng mga binabaklas niyang kabaong.
Gayunman, may pagkakataong tila nakaranas na rin sila ng mga hindi maipaliwanag na kababalaghan. Tulad nang mawala ang ginagamit nilang martilyo at natagpuan ito sa ibang lugar.
Sa kabila nito, wala naman daw siyang karanasan na harapang nagpakita sa kaniya ang multo. Kaya naman tuloy lang ang ginang sa kaniyang kakaibang uri ng hanapbuhay para may maipakain sa kaniyang pamilya/
--FRJ, GMA News