Kung hindi naisasama sa libingan ang "utang" ng isang taong namatay, puwede naman kayang hindi na magbayad ang isang nagkautang kung ang taong nagpautang sa kaniya ay sumakabilang-buhay na?
Sa isang episode kamakailan ng "Kapuso Sa Batas" GMA's "Unang Hiit," ipinaliwanag ni Atty. Gabby Concepcion, na hindi sa lahat ng pagkakataon ay namamatay din ang utang ng taong namayapa na.
Sa isang episode naman ng "Sumbungan ng Bayan" ni Oscar Oida, isang netizen ang nagtanong kung maaari pa raw ba niyang siningil ang ipinautang ng kaniyang ina na pumanaw na.
Ayon sa netizen, kaharap siya nang magpautang ang kaniyang ina na hindi pa rin nababayaran. Kaya naman nais niyang malaman kung pupuwede ba na siya na bilang anak ang maningil sa taong nangutang sa kaniyang ina.
Sinabi ni Atty. Jhoel Raquedan, na puwedeng singilin ng netizen ang taong may utang sa kaniyang pumanaw na ina.
Paliwanag ng abogado, hindi nangangahulugan na namatay na ang utang kung ang taong nagpautang ay sumakabilang buhay na.
Pabirong sinabi ni Raquedan na hindi pupuwedeng gawing patakaran na mamatay na rin ang utang kapag namatay ang nagpautang.
"Delikado 'yon. Kasi kung ganoon lang pala ang rule, lahat ng mga nangutang, papatayin na lang yung pinagkakautangan nila," pahayag niya.
Ayon kay Raquedan, maaaring ikonsidera o mapunta sa "receivables" ng nagpautang ang kaniyang ipinautang na magiging bahagi ng maiiwan niyang yaman sa kaniyang mga tagapagmana.
"Kasi kapag namatay ka, ise-settle yung estate mo. Aalamin lahat ng ari-arian mo, lahat ng pagkakautang mo, at lahat din ng kokolektahin mo pa. Lahat 'yan kasama sa estate na mamanahin ng mga tagapagmana mo," patuloy niya.
"Kung mayroon pang receivables, mapupunta sa kanila. And they have the right to collect it," dagdag niya.
May isa ring netizen ang nagtanong kung dapat pa ba niyang bayaran ang utang niya sa bangko kung ang bangko naman ay nagsara na?
Alamin ang paliwanag ng mga abogado rito, at ang iba pa nilang opinyon tungkol sa mga katanungan tungkol sa utang. Panoorin ang video.
--FRJ, GMA News