Sa dami ngayon ng dealer na nag-aalok ng motorsiklo na halos wala nang downpayment, marami ang nahihikayat na kumuha ng hulugan. Pero papaano kung hindi na ito kayang bayaran, puwede ba itong basta isauli na lang? Ang sagot ng isang abogado--hindi.
Sa programang "Sumbungan ng Bayan" ni Oscar Oida, isang netizen ang humingi ng legal na opinyon tungkol sa nakuha niyang motorsiklo sa casa na hindi na niya kayang hulugan.
Ayon sa netizen, kahit hindi na niya nahuhulugan, hindi naman daw "hinahatak" o binabawi ng dealer ang motorsiklo. At kahit gusto niyang isauli, ayaw raw itong tanggapin dahil hindi na raw bago at marami pang isyu.
Tanong tuloy ng netizen, maaari daw ba siyang ipitin ng casa para pilitang magbayad sa kinuha niyang motorskilo, at maaari ba siyang makasuhan at makulong dahil sa naturang sasakyan?
Ayon kay Atty. Jhoel Raquedan, karapatan talaga ng dealer na maningil dahil may utang ang kostumer.
Karaniwan naman daw may chattel mortgage agreement na pinipirmahan ang mga kumukuha ng sasakyan, bilang seguridad sa pagbabayad ng utang sa motorsiklo.
Pero kung sa posibilidad na makakasuhan ang netizen sa hindi pagbabayad sa motorsiklo--posible kung gugustuhin ng dealer para masingil siya.
Gayunman, puwede rin naman gamitin ng dealer ang seguridad sa chattel mortgage agreement.
"Kaya lang ang option nasa dealer kung ano ang gagawin niya," ayon kay Raquedan.
"Kasi sa pananaw naman ng ibang dealer, 'Teka lang laspag na yung motor, luma na. Bakit ko kukunin 'yan.' Parang zero value lang din," dagdag niya.
Ang iba, umaabot sa korte ang usapan upang makakuha ng kautusan ang dealer mula sa hukom para masingil niya ang may utang.
"Kapag walang makuha [na pera], pupunta sila sa bahay mo at kung ano ang puwedeng ilitin, iilitin nila," paliwanag pa niya.
Panoorin ang buong talakayan sa video na ito ng "Sumbungan ng Bayan."
--FRJ, GMA News